Ipinagbawal noon ang pagkatay sa kalabaw
Alam ba ninyo na minsang nagpalabas ng kautusan ang Malacañang na ipinagbabawal ang pagkatay sa mga kalabaw sa loob ng isang taon? Alamin kung sinong presidente ang nag-utos nito at kung ano ang kaniyang dahilan.
Sa Executive Order No. 8 na ipinalabas noong Enero 26, 1954, iniutos ng noo'y si Pangulong Ramon Magsaysay na ipagbawal ang pagkatay sa mga kalabaw sa loob ng isang taon, simula sa Enero 31, 1954.
Nakapaloob sa kautusan ang direktiba sa Secretary of Agriculture and Natural Resources, at sa lahat ng public official na nagbabawal sa kanila na magpalabas ng permit para sa pagkatay sa mga kalabaw.
Ang ban sa pagkatay ng kalabaw ay iniutos ni Magsaysay dahil sa pagbaba ng populasyon ng nabanggit na hayop na gamit sa bukid ng mga magsasaka.
Kasunod nito, ipinasa ng Kongreso noong Setyembre 1946 ang Republic Act No. 11 na nagbabawal sa pagkatay sa mga babae at lalaking kalabaw, baka at kabayo, na naglalayong mapadami rin ang kanilang populasyon.
Kinalaunan ay naglabas muli si Magsaysay ng Executive Order No. 228 na nagpapalawig sa kautusan na nagbabawal sa pagkatay ng kalabaw hanggang June 30, 1957.
Pero papayagan ang pagpapalabas ng permit sa pagkatay sa hayop kung sesertipikahan ng mga kinauukulang awtoridad na ito ay higit sa 20 ang edad at 'di na makatutulong sa hanapbuhay ng may-ari. -- FRJ, GMA News