ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

A-tapang a-tao


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil walang magawa sa loob ng bahay, sumugod kaming mag-asawa sa SM North Edsa bisperas ng Bagong Taon para panoorin ang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo.” Binalewala muna namin ang mga papuri at batikos sa naturang pelikula para personal naming malaman kung ano nga bang kaguluhan ito.

Bilang mag-aaral ng kasaysayan, masasabi kong tapat sa pangkalahatan ang pelikula, maliban sa ilang korning eksena (na pwede namang palampasin). Kagaya ng pagsigaw ng “mga Indio!” para laitin ang mga tao samantalang 300 taon nang ginagamit noon ang “Indio” bilang tawag sa mga katutubo. Masyadong karaniwan na, wala na itong bisa bilang pang-insulto. (At isipin na lang: kung Indio ang tawag ng mga Kastila sa atin kapag galit sila, ano kaya ang tawag nila sa atin kapag hindi sila galit? Siguradong hindi Filipino dahil mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas lamang ang pwedeng tawaging Filipino.) Mas malamang na ang isinisigaw nila ay punye--, iho de ----, konyo o simbergwensa kapag galit sila sa mga Indio noong panahon na iyon.

Isa pang puna ay dapat mas bata ang mga artistang gumanap sa maraming tauhan. Trenta pa lang si Rizal noong 1892 nang itatag ang Liga, at si Bonifacio ay 29. Ang kanang kamay niyang si Emilio Jacinto ay 17. Si Aguinaldo ay 23 (28 naman siya nang ipapatay niya si Andres). Disisais lang si Oryang nang mapangasawa ni Andres. Kung tutuusin, karamihan sa ating mga bayani noong panahon ng Kastila ay kabataan. Nasa edad kasi sila ng kapusukan at idealismo, katangiang angkop na angkop sa rebolusyon. Isipin mo ang isang entablado na panay kabataan ang gumagalaw. Isipin mo ang panahon ni Marcos na kabataan ang namuno sa kilusan laban sa diktadura.

Pero, sabi ko nga, OK lang yun; ang mahalaga ay sikat ang mga gumanap, kahit wala sa edad, para panoorin ng mga tagahanga. Kailangang mapanood ito ng maraming Pinoy ngayon para makilala nila si Andres Bonifacio, isang Mason at unang pangulo ng bansang ito.

Ang punang walang “story line” ang pelikula ay hindi ko magagap. Siguro ay dahil may idea na ako tungkol sa buhay ni Bonifacio at iyon ang hinanap ko sa pelikula, hindi ang story line na katulad ng kina Jack at Rose sa pelikulang "Titanic."

Para sa akin, hindi kalat-kalat ang mga eksena; sinunod lamang nito ang pinagdaanang buhay ni Andres, mula nang masaksihan ang pagpatay ng mga Kastila sa tatlong pari hanggang mamatay siya sa kamay ng sariling kababayan. Hindi maiiwasang mga “highlights” ng buhay ang ipakita.

Problema talaga ito ng mga pelikulang batay sa talambuhay ng sikat na tao at kahit mga pelikula sa Holywood ay hindi ligtas dito. Iisipin mo talagang patalun-talon ang eksena. Kapag hindi mo ito ginawa’y hahabang masyado ang pelikula o kaya’y meron kang ibabawas sa kwento.

Anu’t-ano man, pinanood ko ito dahil gusto kong malaman kung naaayon ba ang pelikulang ito sa pagkakaalam kong naging buhay ng Supremo ng Katipunan. At hindi naman ako nabigo. Wala akong reklamo. Maliban sa nabanggit ko nang mga puna, kuntento ako sa pangkalahatan ng istorya. — LBG, GMA News