Mga benepisaryo ng CCT program sa 1 bayan ng Ilocos Sur, pinagbebenta raw ng lotion
Iimbestigahan daw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang reklamo ng ilang pamilyang benepisaryo ng anti-poverty program ng pamahalaan na conditional cash transfer (CCT) program na sapilitan silang pinagbebenta ng lotion.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing nagmula sa bayan ng Santiago, Ilocos Sur ang mga pamilyang nagrereklamo laban sa lokal na sangay ng ahensiya.
BASAHIN: Programang kontra kahirapan ni PNoy na '4Ps' o CCT, 'markado' sa COA
Batay sa ulat ni Mark Masudog ng GMA-Ilocos, sinabi ng mga nagrereklamo na pinagbebenta raw ang mga benepisaryo ng 30 bote ng lotion na nagkakahalaga ng P100 bawat isa.
Sakaling may matira sa mga lotion pagsapit ng takdang araw na dapat nila itong maibenta, ang mga benepisaryo raw ang pinagbabayad mula sa perang matatanggap nila sa CCT program.
Dahil dito, halos wala na raw natitira sa tulong pinansiyal na dapat sanang makuha nila sa pamahalaan.
"Siyempre i-budget na namin yun kasi ako kukuha din ako kasi ako ang nagbebenta," paliwanag ng isang nagrereklamo na si Elsie Delgado.
Ang isa pang nagrereklamo, sinabing puno abono ang nangyari sa kaniya dahil hindi niya maibenta ang mga lotion.
Hindi rin daw nila alam kung saan napupunta ang napagbebentahan ng mga lotion.
Gayunman, itinanggi ng DSWD provincial office na sapilitan nilang pinagbebenta ng lotion ang mga benepisasyo. Bahagi raw ito ng tinatawag nilang micro-enterprise development para mabigyan ng mapagkakakitaan ang mga tao.
"Para ma-enhance doon sa interested dun sa microenterprise, malinaw po na hindi natin sila pinipilit na magbenta, kumuha ng products," paliwanag ni DSWD provincial officer Aaron Garra.
Sinabi sa ulat na tiniyak ng DSWD na paiimbestigahan nila ang reklamo.
Ang CCT, o Pantawid Pamilyang Pilipino program ay kampanya ng pamahalaan kontra kahirapan. Nakaloob dito ang pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga mahihirap na pamilya kapalit ng pagtiyak na magpapatuloy sa pag-aaral ang mga bata at magkakaroon ng regular medical checkups sa health centers at hospitals.—FRJ, GMA News