Gun ban, ipinatupad sa Cebu City para sa Sinulog festival
Isinailalim na sa full alert ang pulisya ng Cebu City nitong Lunes at ipinatupad ang gun ban para sa Sinulog festival, na nakatakdang gawin sa Linggo ang dinadayong grand parade.
Sa ulat ni Bexmae Jumao-as ng GMA-Cebu, sinabing pananatilihin umano ng pulisya ang gun ban hanggang Enero 19.
Tinatayang 1,000 pulisya umano ang itatalaga ng lungsod sa mga dadaanan ng grand parade. Bukod pa ito sa puwersang ilalagay ng mga barangay para tiyakin ang kaayusan at seguridad sa selebrasyon.
"Ang Cebu province ay nag-abot ng tulong sa Sinulog by way of conducting checkpoints. At the same time (may) firearms ban. Hihigpitan pa natin ang mga taong may dala ng armas na walang lisensiya para hindi na makapasok sa Cebu City," ayon kay Cebu police provincial director Senior Superintendent Noel Gillamac.
Sa Biyernes, magpapadala umano ang Central Visayas police regional office ng 861 karagdagang tauhan sa Cebu City para tumulong sa pagbabantay sa Sinulog.
Tinatayang aabot sa tatlong milyong deboto ng imahen ng Santo Niño ang dadagsa prusisyon sa Sabado at susundan ng fluvial parade. —FRJ, GMA News