'Dinuguang shabu': Droga, inihalo sa pagkain para maipuslit daw sa kulungan
Dinakip at ikinulong ang isang lalaki matapos na mabisto na may nakatagong shabu sa bitbit nitong ulam na dinuguan para sa isang nakakulong sa Dagupan City Jail sa Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing bibisita sa isang bilanggo ang nadakip na suspek na si Raymund Untalan.
Napag-alaman na ibinalot sa packaging tape ang shabu at muling ibinalot sa bulak bago inilagay sa dinuguan na naka-plastic.
Dahil sa paghalo ng itim na kulay ng dinuguan sa bulak, nagmistulang sahog ang nakabalot na shabu.
Nakuha rin sa suspek ang isang papel kung saan nakasulat ang pangalan ng isang inmate na nakakulong dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Iginiit naman ng suspek na hindi niya alam na may kasamang shabu ang ipinadala lang umano sa kaniyang ulam.
Samantala, pinaniniwalaang may kaugnayan naman sa iligal na droga ang dahilan ng pagbaril sa tricycle driver na si Mark Anthony Fernandez sa brgy. San Miguel, Calasiao sa Pangasinan.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa leeg si Mark Fernandez at nagpapagaling na sa ospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpapahinga sa harapan ng isang tindahan ang biktima nang barilin ng isang suspek na tinutugis na ngayon. -- FRJ, GMA News