2, patay sa salpukan ng kotse at SUV sa Dagupan City
Dalawa ang nasawi at dalawa pa ang sugatan sa banggaan ng isang kotse at isang SUV sa Dagupan City, Pangasinan. Sa lakas ng banggaan, naipit at naging pahirapan ang pagkuha sa bangkay ng mga nasawing sakay mula sa nayuping kotse.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing ginising ng malakas na kalabog ang mga residente sa Caranglaan district sa Dagupan city dakong 1:00 a.m. dahil sa ingay na nilikha ng salpukan ng kotse at SUV.
Sa lakas ng banggaan, halos nangalahati sa aktuwal na sukat ang kotse. Nawasak din ang SUV pero nagawa ng sugatang drayber nito na mag-isang makalabas ng sasakyan.
Bukod sa drayber ng SUV, dinala rin sa pagamutan ang isa pang sugatan mula sa nayuping kotse.
Pero hindi naman pinalad na makaligtas sa banggaan ang dalawa pang sakay ng kotse, kabilang ang drayber nito.
Halos umatras sa likurang bahagi ng kotse ang nasawing drayber nito. Kinailangang gumamit ng bolt cutter ang rescue team para mabaklas ang pinto ng kotse at mailabas ang katawan ng biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung sino ang may pananagutan sa nangyaring trahediya. -- FRJ, GMA News