Dapat bang tumakbong pangulo muli si Erap sa 2016?
Matapos katigan ng Korte Suprema ang ginawang pagtakbo ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada sa pagka-alkalde ng Maynila noong 2013 elections, ang posibilidad na pagsabak muli niya sa panguluhang halalan sa 2016 ang tiyak na inaabangan ng marami.
Sa ngayon, hindi pa raw nakakapagdesisyon si Estrada tungkol sa kaniyang gagawin sa panguluhan halalan sa 2016. Gayunman, isang election lawyer na ang nagbigay ng opinyon na hindi na maaaring tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa ang dating pangulo.
Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News 24 Oras, sinabing base sa naging desisyon kamakailan ng Korte Suprema, may karapatan si Estrada na tumakbo noong 2013 elections kung saan siya nanalong alkalde ng Maynila.
BASAHIN: SC junks disqualification case vs. Joseph Estrada
BASAHIN: Erap happy, thankful for SC junking of disqualification petition
BASAHIN: Erap, if he runs again, may take votes away from Binay, Poe in 2016 – solon
Ang pasya ng SC ay base sa petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng pagtakbo ni Estrada sa nabanggit na halalan kahit na-convict siya sa kasong plunder.
Pero naibalik daw ang kaniyang karapatan sa pagtakbo nang bigyan siya ng "executive clemency" ng nakaupong presidente nang panahong ito na si Gloria Arroyo, na kongresista na ngayon ng Pampanga.
Ang desisyon na iyon ng SC ay itinuturing nagbibigay din ng pahintulot kay Estrada na tumakbo muli sa posisyon ng presidente sa 2016.
Sabi ng alkalde, wala daw makakapigil sa kaniya kung gugustuhin niyang muling tumakbong presidente, gaya ng ginawa niya noong 2010.
Sa nabanggit na halalan, pumangalawa siya sa nakaupong pangulo ngayon na si Benigno "Noynoy" Aquino III sa dami ng nakuhang boto.
Pero ayon sa election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, kung pagbabasehan ang Konstitusyon, hindi na raw puwedeng tumakbo sa pagkapangulo si Estrada.
"Yung pardon na ibinigay sa kaniya may kaugnayan lamang 'yon sa pagtakbo niya sa lower position. Pero sa pagkapangulo ng ating bansa, maliwanag na sa ilalim ng Sec. 4, Article 7 ng ating Saligang Batas..." the president shall not be eligible for any reelection," paliwanag ng abogado.
Nang tumakbong pangulo si Estrada noong 2010 elections, may naghain din ng petisyon sa korte na kumuwestiyon sa kaniyang pagtakbo.
Batay din ito sa probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal sa dating pangulo na muling tumakbo sa kaparehong posisyon.
Pero sa isang resolusyon, pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura ni Estrada.
Iniakyat naman sa Korte Suprema ang naturang usapin pero hindi na nagbigay ng pasya ang mga mahistrado at idineklarang "moot and academic" ang petisyon dahil natalo naman si Estrada.
Puna tuloy ni Macalintal, hindi na sana magiging problema ngayon ang naturang usapin kung nagpasya noon ang SC kahit natalo si Estrada.
Giit naman ni Estrada, ang nakaupong presidente lamang daw ang pinagbabawalang tumakbo muli sa kaparehong posisyon upang hindi nito magamit ang kapangyarihan sa pagkandidato.
Kaya naman kung nanaisin daw niyang tumakbong muli sa posisyon bilang pangulo, maaari ito dahil hindi naman siya ang nakaupong presidente ng bansa ngayon.
Si Arroyo, nakaupong presidente nang tumakbo sa kaparehong posisyon at nanalo noong 2004 elections.
Unang naging presidente si Arroyo nang palitan niya ang napatalsik na si Estrada sa pamamagitan ng people power noong 2001.
Dahil sa pangyayari, hindi natapos ni Estrada ang anim na taong termino niya bilang presidente matapos siyang mahalal noong 1998 elections.
Bilang "successor" naman, awtomatikong naging pangulo si Arroyo, na nakaupong bise presidente noon ni Estrada.
Paliwanag ni Macalintal, nakasaad sa Saligang Batas na ang bise presidente na naglingkod bilang pangulo nang hindi hihigit sa apat na taon ay maaari pang tumakbo bilang presidente.
Kagaya ni Estrada, lumilitaw na tatlo at kalahating taon lang si Arroyo sa posisyon bilang bise presidente nang nakaupo siya bilang pangulo kaya puwedeng tumakbo sa pangalawang termino noong 2004, kung saan mahigpit niyang nakalaban ang namayapang si Fernando Poe Jr. -- FRJ, GMA News