Unang monumento ni Rizal
Kilalang manlalakbay si Dr. Jose Rizal, mula sa Asya at Europa. Pero alam nyo ba na ang unang monumentong inialay sa kanyang kabayanihan ay makikita sa lalawigan na kahit minsan ay hindi niya napuntahan. Sa Daet, Camarines Norte nakatayo ang unang monumento ni Rizal na sinimulan gawin Disyembre 1898 at ganap na natapos Pebrero 1899. Sinasabing ang mga Bicolano revolutionary na sina Col. Antonio Sanz at Ildefonso Alegre, ang nanguna sa pagpapagawa ng monumento ni Rizal na may taas na 20 talampakan. Bukod sa pagiging rebolusyunaryo, alagad din ng sining si Sanz na siyang nagdesenyo ng monumento ni Rizal. Sa kabila nito, kinailangan ng National Historical Commission ang 63 taon bago ito nakapagdesisyon na isama ang nasabing monumento ni Rizal sa Daet bilang bahagi ng mga tinatawag na historical landmark sa Pilipinas. - GMANews.TV