Dating pangulo na kinikilalang founder o nagtatag ng SAF
Dating nakapailalim sa binuwag na Philippine Constabulary (PC) ang bukambibig ngayon na Special Action Force (SAF). Kilala ba ninyo kung sino ang dating pangulo na kinikilalang founder o nagtatag ng grupong tinawag na "Tagaligtas"?
Unang bahagi ng dekada 80 nang iutos ng noo'y Pangulong Ferdinand Marcos ang pagbuo ng elite unit na tutugon sa mga banta sa seguridad ng bansa.
Sa pamamagitan ng General Order 323 mula sa PC headquarters, na pinamumunuan ng noo'y si Lt. Gen. Fidel V. Ramos, itinatag ang Special Action Force (PCSAF).
Naging katuwang sa pagbuo ng SAF ni Ramos, na tumatayo ring AFP Vice Chief of Staff nang panahong iyon, ang kaniyang Chief of Operations na si Col. Renato De Villa.
Sa ilalim ng bagong tatag na puwersa na PCSAF, nasa 60 piling sundalo ang unang grupo na naging kasapi nito sa ilalim ni PC Major Reynaldo V. Velasco, na nagsilbing kauna-unahang SAF commander.
Nang mapatalsik sa puwesto si Marcos sa 1986 Edsa revolution, pumalit sa kaniya sa Malacañang si Pangulong Corazon Aquino at isinulong ang pagbabago sa instruktura ng kapulisan.
December 1990 nang tuluyang buwagin ang PC sa bisa ng Republic Act 6975 at ginawang Philippine National Police.
Huling naging komandante ng SAF sa ilalim ng PC si Lt. Col. Hermogenes Ebdane, na gobernador ngayon ng lalawigan ng Zambales.
Nang matapos ang termino ni Gng. Aquino, tumakbong pangulo at nanalo sa May 1992 presidential elections si Ramos.
Kabilang si Ramos sa mga sumalubong sa arrival honors na ibinigay sa 44 na nasawing SAF troopers sa Mamasapano encounter. -- FRJ, GMA News