Paaralan at ospital sa San Pedro, Laguna, apektado ng MERS-CoV scare
Matapos makumpirma na mula sa San Pedro, Laguna ang nurse na nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV), hindi naiwasan na mangamba ang ilang residente na mahawahan ng virus. Apektado nito ang ospital na unang pinagdalan sa pasyente at kalapit nitong paaralan.
Sa ulat ng GMA News TV's nitong Biyernes, sinabing pansamantalang isinara ang Evangelista Medical Specialty Hospital sa Pacita Complex sa San Pedro para sa isasagawang pag-disinfect upang matiyak na ligtas na sa virus ang pagamutan.
Sa nabanggit na pagamutan unang nagpatingin ang Pinay nurse na nagpositibo sa virus matapos dumating sa bansa mula sa Saudi Arabia.
Naapektuhan naman ang klase sa Pacita Complex 1 Elementary School na nasa tapat mismo ng opsital matapos hindi pumasok ang maraming estudyante nitong Biyernes.
Ayon sa guidance counselor ng paaralan, marami sa mga magulang ng mga estudyante ang natatakot makaraang mapabalita na dinala sa katapat na ospital ang nurse na nagtataglay ng MERS-CoV.
Ang ilang estudyante na pumasok, nakita naman na may suot na face mask nang inihatid ng kanilang magulang.
Maging ang ibang tao sa mga kalapit na establisimiyento ay nakasuot din ng facemask o kung anoman na maaaring itakip sa kanilang ilong at bibig.
Para mapawi ang pangamba ng mga residente, nagtungo sa lugar ang mga opisyal ng Department of Health.
Tiniyak din ni San Pedro Mayor Lourdes Cataquiz na kontrolado na ang sitwasyon dahil sa mabilis na magkilos din ng DOH.
"Huwag silang matakot, huwag mangamba, kasi the situation is under control," anang alkande na nagtungo rin sa lugar na walang suot na facemask.
Dagdag niya, "Ang tao na nagkaroon ng contact with the patient tested negative sa unang test."
Natatawa ring sinabi ng alkalde na biniro niya ang mga nakitang nakasuot ng facemask na sa susunod ay huhulihin na sila kapag nakita pang may suot na takip sa mukha. -- FRJ, GMA News