Lalaking may-ari ng bag na ikinatumba ng babae sa Bacolod airport, kinasuhan na
Sinampahan na ng kaso ng pamilya ng 64-anyos na babaeng natumba sa departure area ng New Bacolod-Silay Airport ang lalaking may-ari ng bag na naging sanhi ng pagkakasubsob niya sa sahig.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabi ng sa abogado ng babaeng biktima na si Rosario Hofilenya, na kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries ang isinampa nila laban sa lalaki.
Hindi rin bababa sa P5 milyong piso ang hinihingi nilang danyos para sa biktima.
Dagdag pa ng abogado ni Hofilenya, itinuloy nila ang kaso para mabigyang hustisya ang nangyari. Hindi rin daw kasi sapat ang halagang nauna nang inalok ng kampo ng inirereklamong lalaki, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Nauna nang iniulat ang paghingi ng paumanhin ng lalaki sa nangyari sa pamamagitan naman ng kaniyang abogado. (WATCH: Video ng pagkakadapa ng babae dahil sa bag sa Bacolod-Silay Airport, kumalat sa social media)
Naging viral sa social media ang video ng insidente at umani ng kritisismo ang may-ari ng bag dahil hindi nito tinulungan ang biktima. -- FRJ, GMA News