Mag-ina, nahulog sa mula sa kariton sa riles; batang anak, namatay
Nasawi ang isang batang babae nang mahulog sila ng kaniyang ina mula sa sinasakyan nilang kariton na pinapatakbo sa riles ng tren sa Sipocot, Camarines Sur.
Sa ulat ni ni Elmer Caseles ng GMA-Bicol sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, kinilala ang nasawing bata na si Bianca, apat na taong gulang.
Kasama umano ng biktima ang kaniyang inang si Sheryl nang maganap ang insidente sa barangay Malaguico, Sipocot noong nakaraang Huwebes.
Ayon sa pulisya, pauwi na ang mag-ina at sakay ng karitong pinapaandar sa riles ng tren na tinatawag sa lugar na "skates."
Habang bumibiyahe, nawalan ng balanse ang mag-ina na dahilan ng pagkahulog nila sa skates at tumama ang ulo ni Bianca sa matigas na bagay.
Isinugod sa ospital ang mag-ina pero binawian din ng buhay ang bata. Kasalukuyan namang nagpapagaling ang ina.
Ayon naman sa Philippine National Railways sa Naga, ipinagbabawal ang skates sa mga riles ng tren dahil delikado ito sa mga sumasakay.
Gayunman, patuloy na ginagawa ng ilang residente ang pamamasada ng skates dahil pinagkukunan nila ito ng hanapbuhay. -- FRJ, GMA News