Lalaking nakikipag-inuman, pinagbabaril sa Q.C.; babae sa Maynila, patay din sa pamamaril
Isang babae at isang lalaki ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Maynila at Quezon City. Ang mga salarin sa dalawang krimen, parehong nakatakas.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang babaeng biktima sa panulukan ng Velasquez at Enfanta Sts, Tondo, Maynila dakong 2:00 a.m. nitong Sabado.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo ang biktima.
Maaaring hindi raw residente sa lugar ang babae na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan. May nakita rin umanong drug paraphernalia sa pitaka nito.
Ayon sa isang residente, nakarinig siya ang malakas na putok pero hindi niya pinansin dahil pangkaraniwan na raw ito sa kanilang lugar.
Ang biktima ay tinatayang nasa edad 25 hanggang 28, nakasuot ng short na maong at t-shirt na green.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.
Samantala, patay naman sa pamamaril sa barangay Holy Spirit sa Quezon city nitong Biyernes ng gabi si Nicolas Tubillo.
Napag-alaman na nakikipag-inuman ang biktima sa tapat ng bahay ng kaniyang kaibigan nang lapitan ito ng hindi nakilalang suspek at pinagbabaril.
Inakala raw ng mga kainuman ng biktima na magtatanong lang ang lumapit na lalaki pero nagulat sila nang bigla itong mamaril.
Hindi namukhaan ng mga saksi sa krimen ang suspek dahil nakasuot umano ito ng sumbrero.
Nakakuha sa crime scene ang mga imbestigador ng 10 basyo at isang slug ng bala ng hindi pa natutukoy na uri ng baril.
Wala namang maisip ang mga kaibigan at kaanak ng biktima sa motibo sa pagpatay dahil wala raw silang alam na nakakaalitan ni Tubillo. -- FRJ, GMA News