Kalabaw na kakatayin, nakawala at nagwala; 3 katao, sugatan nang suwagin ng hayop
Tatlo katao ang nasugatan matapos silang suwagin ng isang kalabaw na nakatakda sanang katayin pero nakawala at nagwala sa isang slaughterhouse sa Cubao, Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing galing sa mahabang biyahe sa Naga City ang kalabaw nang biglang magwala nang makarating sa katayan.
Hinala ng mga matansero, posibleng "stress" ang kalabaw na babae mula sa mahabang biyahe at nagwala nang makaamoy ng dugo sa katayan.
Dalawa sa mga matansero ang kinailangang tahiin ang tinamong sugat sa likod dahil sa pag-atake ng kalaban.
Nakagawa pang makalabas sa katayan ang kalabaw at nakatakbo sa Aurora avenue at doon naman inatake ang isang bystander na babae na dinala rin sa ospital.
Nahuli lamang ang kalabaw nang kumalma ito matapos tila mapagod sa pagtakbo.
Dinala pansamantala ang kalabaw sa Station 7 ng Quezon City police habang iniimbestigahan ang nangyaring insidente.
Bagaman nauunawaan ng mga biktima na aksidente ang nangyari, nagsampa pa rin sila ng reklamong reckless imprudence resulting in serious physical injuries sa may-ari o nag-deliver ng kalabaw para may sumagot sa mga danyos na idinulot ng kalabaw. -- FRJ, GMA News