Weight loss challenge ni Pacman, binuksan na; $10,000 ang grand prize
Muling binuksan ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang kanyang weight loss challenge nitong araw ng kanyang pahinga mula sa training para sa laban nila ni Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo.
Ayon sa ulat ni Jennifer Solis sa Balitang Pilipinas nitong Lunes, matapos magsimba sa Good Shepherd Church sa Los Angeles, California, dumeretso na si Pacman sa binibili niyang mansion sa Beverly Hills 90210 na dating pag-aari ng sikat na American rapper na si P. Diddy.
Dito inanunsyo ni Manny ang muling pagbubukas ng kanyang Biggest Loser Challenge na magaganap sa huling limang linggo bago ang laban niya kontra kay Mayweather, kung saan kinakailangang makapagbawas ang mga kalahok ng 15% ng kanilang timbang.
Magkahiwalay ang lalaki at babae sa naturang kompetisyon, kaiba sa nakagawian noong nakaraang Biggest Loser Challenge ni Pacman.
Game naman ang mga gustong sumali, kabilang ang mga dati nang nagwagi sa naturang paligsahan.
“Last year, I didn't eat. I just did this detox cleanse and it worked for me, so hopefully, it'll work for me again this year,” ayon kay Jelly Arayata, dating nanalo sa Biggest Loser Challenge.
Kwento naman ni Ezra Hernandez na dati na ring nakasali at nagwagi, “It's very challenging because we would work out three times a day or more.”
Makakakuha ng $10,000 o mahigit sa P400,000 ang mananalo sa Biggest Loser Challenge. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News