Trust at approval ratings ni PNoy, bumaba matapos ang Mamasapano clash
Natanggap ni Pangulong Benigno Aquino III ang kaniyang pinakamababang trust at approval ratings simula nang maupo siya sa puwesto noong 2010 matapos ang madugong bakbakan sa Mamasapano noong nakaraang Enero 25, na kumitil sa buhay ng higit sa 60 katao, ayon sa resulta ng Pulse Asia survey na inilabas nitong Martes.
Mula sa 59 porsiyentong marka noong Nobyembre, bumaba sa 38 porsiyento ang approval ratings ni Aquino ngayong Marso, mahigit isang buwan matapos ang madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao.
Nakita rin sa naturang survey na bumaba sa 36 porsiyento ang trust ratings ng Pangulo ngayong buwan mula sa 56 porsiyento noong Nobyembre.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga tagapagsalita ng Pangulo at ng Malacañang hinggil sa naging resulta ng survey.
Nakasaad din sa Pulse Asia survey, na isinagawa noong Marso 1 hanggang 7 at nilahukan ng 1,200 adult Pinoy respondents, na tumaas din ang bilang ng mga hindi nagtitiwala kay Aquino.
Mula sa dating 11 porsiyento noong Nobyembre, tumaas sa 23 porsiyento ang mga tumugon sa survey na nagsasabing hindi na sila sang-ayon sa pamamalakad ng Pangulo.
Umabot naman sa 27 porsiyento mula sa dating 13 porsiyento ang nagsabing wala na silang tiwala kay Aquino.
Ayon sa Pulse Asia, inilarawan ng mga nabanggit na datos na isa sa bawat apat na Pilipino ang kritikal sa pamamalakad ng Pangulo at hindi nagtitiwala sa kanya.
Samantala, nakasaad din sa March survey, na 39 porsiyento ang walang pasya hinggil sa pamamalakad ni Aquino, habang 37 porsiyento naman ang walang pasya tungkol sa pagtitiwala sa Pangulo.
Mayroong plus-or-minus 6 percent of error ang isinagawang Pulse Asia poll.
PNoy at ang misyon sa Mamasapano
Noong Enero 25, 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang namatay sa isang operasyon sa Mamasapano upang mahuli ang ilan sa mga malalaking teroristang tinutugis ng gobyerno. Ang naturang operasyon ay nauwi sa pakikipaglaban ng SAF troopers sa grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Umabot naman sa 18 ang nasawi sa hanay ng MILF at nadamay ang limang sibilyan.
Nangyari ang madugong engkwentro sa kabila ng usaping pangkapayapaan at ceasefire agreement sa pagitan ng MILF at ng gobyerno ng Pilipinas. Dahil dito, pansamantalang natigil ang deliberasyon sa Konreso hinggil sa Bangsamoro Basic Law na kumakatawan sa nasabing usaping pangkapayapaan.
Ilang araw matapos ang insidente, inamin ni Pangulong Aquino na alam niya misyon sa Mamasapano.
Inamin niya rin ang pakikipag-usap sa kaniyang malapit na kaibigan at noo'y suspindidong hepe ng PNP na si Director General Alan Purisima upang maipaliwanag sa kaniya ang naturang misyon.
Noong nakaraang linggo, sinisi ni Aquino si dating PNP-SAF chief Director Getulio Napeñas dahil sa mga mali umanong impormasyon na inibigay sa kaniyang patungkol sa operasyon at hindi sinunod ang kaniyang mga utos, bagay na itinanggi ni Napeñas.
Noong nagdaang linggo rin, napaglaman ng PNP’s Board of Inquiry (PNP-BOI), na siyang nagiimbestiga sa kontrobersyal na operasyon, na pinutol ni Aquino ang chain of command ng kapulisan habang pinaplano ang misyon.
Hindi sinang-ayunan ng Malacañang ang pananaw ng BOI tungkol sa usapin ng chain of command, at iginiit na walang nilabag na batas ang Pangulo tungkol sa pagplano at pagpapatupad ng misyon sa Mamasapano.
Iba pang kaganapan bago ang survey
Bukod sa nangyari sa Mamasapano, ang iba pang mahahalagang pangyayari nang panahon na isinagawa ang survey ay:
- - mga ugong ng planong coup laban sa administrasyong Aquino
- - all-out offensive ng militar laban sa BIFF
- - pagtalakay sa mga bakanteng posisyong sa Commission on Elections at Commission on Audit
- - ang paglalabas ng Korte Suprema ng binagong pasya hinggil sa kontrobersyal na disbursement acceleration program; at
- - ang utos ng Sandiganbayan na pigilin ang assets ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. kasunod na pagkakasangkot nito sa pork barrel scam. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News