Isang pamilya na sakay ng motorsiklo, sugatan matapos bumangga sa tumawid na baka
Nasugatan ang isang pamilyang sakay ng motorsiklo nang bumangga sila sa isang baka na biglang tumawid sa kalsada sa Dolores, Abra.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing nagtamo ng sugat sa mukha ang batang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Nagtamo naman ng gasgas sa katawan ang mga magulang ng bata.
Ayon sa ginang, biglang tumawid sa kalsada ang baka kaya nabangga nila ito.
Sa lakas ng pagkakasalpok sa hayop, tumilapon ang mag-anak mula sa motorsiklo.
Samantala, nabali naman ang kaliwang paa ng isang batang lalaki matapos mabangga ng isang tricycle sa Laoag City, Ilocos Norte.
Ayon sa drayber ng tricycle, biglang tumawid sa kalsada ang biktima kaya niya nahagip kahit pilit niyang iniwasan.
Nangako ang drayber na tutulong sa pagpapagamot sa biktima. -- FRJ, GMA News