ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Trillanes: Ibang SAF commandos, nagpapahinga habang napapalaban ang mga kasama sa Mamasapano


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nais ni Sen. Antonio Trillanes IV na imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) kung bakit hindi umano sumaklolo ang mahigit 120 Special Action Force (SAF) commandos na kasama sa Oplan Exodus nang napalaban na ang mga kasamahan nito sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Ayon sa mambabatas, sinabi ng ilang opisyal ng Philippine Army sa isinagawang pagdinig ng Senado tungkol sa Mamasapano operation, na mayroong tatlong SAF companies ang hindi kumilos para saklolohan ang mga kasamahan na napapalaban sa Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter.
 
Umabot sa 44 na kasapi ng SAF ang nasawi sa naturang engkuwentro.
 


Sabi ni Trillanes, inihayag ng Army officers na nagsinungaling umano ang mga team leader ng tatlong SAF companies—ang 41st, 42nd at 45th SAF, nang sabihin ng mga ito na pinapuputukan din sila ng mga kalaban kaya hindi sila makatugon sa direktiba ng sinibak na SAF commander Director Getulio Napeñas na sumaklolo sa mga kasama.
 
"Inutusan niya (Napeñas) yung tropa nila na pumasok. [Sinabi na] heavy ang fire na sumasalubong sa kanila. Pero pagdating ng Army doon, nakahiga lang doon [ang ibang SAF commandos], malayo sa engkwentro," pahayag ni Trillanes sa GMA News.
 
"Ang testimonya nu'ng mga army officer, malayo sila (SAF commandos) sa engagement area, hindi sila na-engage.... Nakahiga lang sila, nagte-text pa raw yung iba," dagdag ng senador.
 
Sinabi pa ni Trillanes na tumanggi pa raw ang ilang SAF commandos na sumama sa mga sundalo na papasok sa lugar kung saan naroroon ang 55th SAF.

"Pinipilit nila (Army officers) na sumama sa kanila yung mga SAF. [Sabi raw], 'Ayaw naming pumasok diyan, masyadong malakas yung putukan, hindi namin alam yung terrain," ayon sa senador.
 
Nagtungo ang SAF troopers sa Mamasapano para dakpin ang sinasabing terorista na sina Zulkifli bin Hir, alyas Marwan at bomb-maker na si Abdul Basit Usman.
 
Bukod sa 44 SAF troopers, nasawi rin sa engkuwentro ang 17 miyembro ng MILF at limang sibilyan.

Ang 55th SAF, na isang miyembro lang ang nakaligtas, ang nagsilbing blocking force para sa tropa ng SAF 84th Seaborne, na nagtungo sa kuta at nakapatay kay Marwan.
 
Ayon kay Trillanes, maaaring mas kaunti lang ang nasawi sa tropa ng SAF kung tumulong kaagad ang nakaabang na puwersa ng SAF dahil nasa 100 hanggang 150 pa lamang umano ang nakakasagupa ng 55th SAF company dakong 6 a.m..
 
"Kung maaga pa lang sila, nagpunta na sila, hindi na tayo napunta dito, nanalo sila," pahayag ng senador.
 
Patuloy pa niya, lumilitaw na mali umano ang grid coordinates na ibinigay ni Napeñas sa militar, at posibleng mas maraming SAF troopers ang nasawi kung ibinigay ang artillery support.
 
Batid umano ni Trillanes na hindi magiging popular ang panawagan niyang paimbestigahan ang ibang kasapi ng SAF dahil na rin sa nakukuhang simpatiya ng police unit mula sa publiko.
 
"We've glorified SAF. Ayaw nila malagay in any bad light yung SAF, but this is the truth," anang senador.
 
Samantala, sinabi ng bagong talagang SAF commander na si Chief Supt. Moro Virgilio Lazo na bukas sila mungkahing imbestigasyon ni Trillanes.
 
Gayunman, itinanggi ni Lazo na walang ginawa ang tatlong SAF companies nang mga sandali ng bakbakan.
 
Wala rin umanong nagaganap na iringan sa SAF dahil sa nasabing usapin.
 
"Maganda po 'yon para masabi rin ng battalion commander ng 4th Special Action Battalion kung bakit hindi sila nakagalaw," ani Lazo. —FRJ, GMA News