Bangkay ng magkapatid na babae, nadiskubre sa bahay dahil sa mabahong amoy
Dahil sa mabahong amoy, nadiskubre sa loob ng bahay ang karumal-dumal na krimen na sinapit ng magkapatid na matandang babae sa Tabaco City, Albay.
Sa ulat ni Mark Bonggat ng GMA-Bicol sa Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing nadiskubre ang bangkay ng magkapatid na biktima nitong linggo nang gabi nang makaamoy ng mabaho na galing sa loob ng bahay ang isang tanod ng barangay Pawa.
Kaagad na inireport ng tanod sa pulisya ang kaniyang naobserbahan at doon na nakita ang bangkay ng magkapatid na biktima na nasa edad 74 at 70.
Duguan ang mga bangkay at nagtamo ng mga taga ng itak sa katawan.
Nakita rin sa bahay ang anak na babae ng isa sa mga biktima na napag-alamang may diperensya sa pag-iisip.
May mga sugat at pasa sa braso ang babae.
Ayon sa kaniya, may lalaking pumasok sa kanilang bahay at bigla na lang pinagtataga ang kaniyang ina at tiyahin.
Pero hindi masabi ng babae kung kailan naganap ang krimen.
Lumitaw din na pagsisiyasat na walang nakitang indikasyon na puwersahang nilooban ang bahay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring karumal-dumal na krimen. -- FRJ, GMA News