ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

WATCH: Batang palaboy na kinupkop at pinag-aral ng mga pulis, naka-graduate


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa graduation ceremony sa Boston Central Elementary School sa Davao Oriental, nakatawag-pansin ang isang binatilyo na kabilang sa mga nagtapos dahil isang nakaunipormeng pulis ang nagsabit sa kaniya ng medalya. Pero ang pulis, hindi kaano-ano ng binatilyo, kung hindi kabilang sa mga nakatalaga sa police station na kumupkop, nag-alaga, at nagpaaral sa bata.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing kasama ang binatilyong si Jommy Arieta sa mga nagtapos sa Boston Central School, na ang 37 silid-aralan ay naipatayo ng Kapuso Foundation sa tulong ng mga ipinagkaloob na donasyon ng mga taong may mabuting kalooban.



Ang bayan ng Boston ay kabilang sa mga lugar sa Davao Oriental na sinalanta ng bagyong Pablo noong 2012.

Ayon kay Jommy, patay na ang kaniyang ama at iniwan naman siya ng kaniyang ina noong walong-taong-gulang siya.

Dahil hirap sa buhay, madalas lumiban sa klase noon si Jommy. Katunayan, dalawang beses siyang nag-grade five.

Hanggang isang araw ay nagawi siya sa police station, at doon ay tuluyan na siyang kinupkop at pinag-aral ng mga pulis.

Ang kaniyang mga alalay at nagtuturo sa kaniya ng mga aralin, ang mga pulis din sa istasyon.

Ngayong kabilang siya sa mahigit 100 mag-aaral na nagtapos ng elementarya, nais ni Jommy na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral upang matupad din ang kaniyang pangarap na propesyon, ang maging isang pulis. -- FRJ, GMA News