Bagyong ‘Chedeng’, bahagyang humina habang papalapit ng Pilipinas
Makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan sa bansa at magiging maulap ang papawirin sa ilang bahagi ng Northern Luzon sa Biyernes Santo, habang papalapit sa kalupaan ng Pilipinas ang bahagyang huminang bagyo na si “Chedeng.”
Ayon sa 5 p.m. bulletin ng state weather agency PAGASA nitong Huwebes, sinabing patuloy na tinutumbok ni “Chedeng” (Maysak) ang Pilipinas at inaasahang tatama sa kalupaan sa Linggo.
Sa Biyernes, asahan umano ang maulap na papawirin sa Cagayan Valley, Cordillera at Ilocos.
Magiging maulap din na may kasamang pagkulog at pagkidlat, at panaka-nakang pag-ulan na mararanasan umano sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Bahagya hanggang sa malakas na hangin naman ang mararamdaman sa northeast hanggang northwest sa eastern sections ng Central at Southern Luzon, pati sa Visayas at Mindanao, na sasamahan ng bahagya hanggang sa malakas na pag-alon sa karagatan.
Hanggang nitong 4 p.m. ng Huwebes, si “Chedeng” ay tinatayang nasa 970 km east-southeast ng Virac, Catanduanes, taglay ang pinakamalakas na hangin na 175 kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 210 kph.
Inaasahang kikilos ang bagyo patungong northwest sa bilis na 15 kph, ayon sa PAGASA.
Sa isang ulat ng dzBB radio, sinabi ni PAGASA forecaster Jun Galang na magpapalabas ng storm warning signals ang ahensiya sa Huwebes ng gabi.
Ayon pa kay Galang, inaasahan nilang patuloy na hihina si “Chedeng” habang lumalapit sa bansa.
Inaasahang tatama sa kalupaan ng Isabela o Aurora ang bagyo sa Linggo ng umaga.
Kasabay nito, nagpalabas ng gale warning ang PAGASA sa eastern seaboard ng Central at Southern Luzon, at eastern seaboard ng Visayas.
Kasama sa eastern seaboard ng Visayas ang Samar at Leyte, habang sakop ng eastern seaboard ng Central at Southern Luzon ang Aurora, Camarines provinces, Catanduanes, at eastern coasts ng Albay, Sorsogon at Quezon, kasama ang Polillo.
Tinatayang aabot sa taas na 4.5 metro ang magiging alon sa karagatan.
"Fishing boats and other small seacrafts are advised not to venture out into the sea while larger sea vessels are alerted against big waves," paalala ng PAGASA. — FRJ, GMA News