ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bulgarian hacker na bumiktima noon kay Bill Gates, nadakip ngayon sa Pilipinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang Bulgarian national na nakulong sa Paraguay noong 2011 dahil sa pag-hack at pagnanakaw sa accounts ni Bill Gates ang nadakip sa entrapment operation sa Quezon City nitong Huwebes.
 
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission Executive Director Reginald Villasanta, nakipag-ugnayan sila sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group para madakip si Konstantin Simeonov Kavrakov.
 
Sinabi ni Villasanta na nahuli si Kavrakov sa PS Bank branch sa Scout Reyes Street sa Barangay Paligsahan, Q.C. habang nagwi-withdraw ng pera gamit ang pekeng ATM cards dakong 9 p.m.
 


Nakuha sa suspek ang siyam na PS Bank Quezon Avenue ATM branch receipts at P76,570 cash na nakuha sa ATM ng bangko.
 
Nakuha rin umano sa suspek ang iba't ibang credit cards na kinabibilangan ng Citi Visa, Standard Chartered MasterCard, Citibank MasterCard, Citi MasterCard, Citibank Visa, Eastwest Bank Vice at blankong Gold card.
 
Isinagawa ang operasyon laban kay Kabrakov matapos makakuha ng "tip" mula sa kanilang foreign counterparts.
 
Ayon sa Interpol, binansagan si Kavrakov ng international authorities bilang “king of the hackers,” na sangkot sa ATM at credit card fraud at cloning. 
 
Nakadetine ngayon ang suspek sa Anti-Fraud and Commercial Crime Unit ng CIDG at nahaharap siya sa paglabag sa Access Device Regulations Act.
 
Nataon ang pagkakadakip kay Kavrakov sa balitang nasa Pilipinas si Gates at bumisita sa International Rice Research Institute sa Los Baños, Laguna.
 
Sa listahan ng Bureau of Immigration, lumilitaw na isang William Henry Gates ang nasa Pilipinas mula pa nitong April 4. —FRJ, GMA News