Kaanak ng babaeng nasawi matapos malason sa nabiling milk tea, magsasampa ng kaso
Desidido umano ang pamilya ni Suzanne Dagohoy na ituloy ang pagsasampa ng demanda laban sa mga mag-ari ng ErgoCha milk tea shop sa Maynila. Sa nabanggit na tindahan nabili ni Dagohoy ang milk tea na pinaniniwalaang dahilan ng kaniyang pagkamatay bunga ng pagkakalason.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Sabado, sinabi ng pamilya Dagohoy na nakipag-ugnayan na sa kanila ang may-ari ng ErgoCha shop.
Pero kahit nagkaloob ng paunang tulong, sinabi ni Frederick Dagohoy, kapatid ni Suzanne, na magsasampa pa rin sila ng kaukulang reklamo dahil sa sinapit ng biktima.
“Ginapang po namin ito ng aming pamilya, aming mga kamag-anak, at nagtulong-tulong para maparaos po namin ang aming kapatid sa pag-aaral,” ani Frederick.
Hinihintay na lamang ng pamilya Dagohoy ang resulta ng isinagawang awtopsiya sa biktima para sa gagawing legal na hakbang. Nanawagan sila sa mga awtoridad na bilisan ang pagtukoy sa dahilan ng pagkamatay ng kanilang kaanak.
Samantala, tumanggi umano ang kampo ng ErgoCha milk tea shop na magbigay ng pahayag sa nangyaring insidente.
Kabilang din sa nasawi ang may-ari ng shop na si William Abrigo, na katulad ni Dagohoy ay tinikman ang sinasabing milk tea na nabili ng biktima.
Naospital naman ang nobyo ni Dagohoy na unang nakapansin sa hindi magandang lasa ng milk tea na inihanda raw mismo ni Abrigo. —FRJ, GMA News