ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Labi ng OFW na pinugutan sa Saudi sinasabing naka-freezer


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakatanaw ng pag-asa ang pamilya ni Reynaldo Cortez ang overseas Filipino worker (OFW) na pinugutan sa Saudi Arabia noong nakaraang linggo na maaari pang maiuwi ang mga labi nito sa Pilipinas. Ayon kay Melody Cortez, asawa ni Reynaldo, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang kaibigan sa Saudi na hindi pa naililibing ang OFW taliwas sa inaasahan ng Department of Foreign Affairs (DFA). “May tumawag sa biyenan ko na ang sabi nga may lumabas na balita doon (sa Saudi) na hindi pa naililibing (si Reynaldo) at naka-freezer daw. Tumatawag ako sa mga taga-DFA para alamin kung totoo pero wala naman akong makausap kasi Sabado at Linggo," ani Melody sa panayam sa telepono ng GMANews.TV nitong Linggo. Inihayag naman ni Connie Bragas-Regalado, chairperson ng grupong Migrante International, agad silang makikipag-ugnayan sa DFA sa Lunes upang malaman ang posibilidad na maiuwi sa Pilipinas ang labi ni Reynaldo. “Ang pagkakaalam ko may note verbal na ipinadala ang DFA sa embahada ng Pilipinas sa Saudi tungkol sa posibilidad na mauwi si Reynaldo at ‘yan ang aalamin natin bukas (Lunes)," ani Regalado na “nakikipaglamay" sa mga Cortez sa Guagua, Pampanga. Una ng inihayag ng DFA na malabong maiuwi pa ang labi ni Reynaldo dahil nagpalit ito ng relihiyon na Islam. Sa ilalim ng tradisyon ng mga Muslim, agad na inililibing ang labi ng kanilang yumao sa loob ng 24 oras. Idinagdag pa na mayroon din patakaran ang pamahalaan ng Saudi na hindi pinapayagang iuwi ang labi ng mga dayuhan na pinatawan ng pinakamabigat na parusa ng korte na pagpugot sa ulo. Ayon naman kay Regalado, may ulat ang US-based Human Rights Watch, na ang mga dayuhang pinugutan sa Saudi Arabia ay inililibing sa isang “unofficial, secret and unmarked graves." “If the Arroyo administration allows this to happen to Rey, they will be complicit in intensifying the grief and heartache already suffered by Rey’s family, especially his six children. If at least he is buried in the Philippines, his family will be allowed some semblance of closure and healing," aniya sa isang pahayag. Si Reynaldo ay pinugutan noong Miyerkules dahil sa pagpatay sa isang Pakistani noong 2002 na umanoy nagtangkang humalay sa kanya. Umaasa ang pamilya ni Reynaldo na makakamit pa rin nito ang katarungan at mauuwi ang kanyang labi dahil ipinagtanggol lang umano nito ang sarili laban sa Pakistani. Una rito, nagpahayag ng sama ng loob si Melody sa pamahalaan dahil sa paniwala na pinabayaan ang kaso ng kanyang asawa. Sa huling pakikipag-usap ni Reynaldo sa kanyang anak na si Gerlie nitong June 10, inireklamo ng OFW na hindi ipinapaalam sa kanya kung kailan gaganapin ang pagdinig sa kanyang kaso. Ngunit nanindigan si DFA Migrant Affairs Usec. Esteban Conejos, na sinubaybayan nila ang kaso ni Reynaldo ngunit tumanggi umano ang pamilya ng napatay nitong Pakistani na kunin ang inalok nilang “blood money" kapalit ng buhay ng OFW. - Fidel Jimenez, GMANews.TV