Taktika ng pandurukot sa loob ng tindahan, panoorin kung paano isinagawa
Isang babae ang nadukutan ng wallet sa kaniyang bag habang namimili sa loob ng isang tindahan sa Naga City, Camarines Sur. Ang mga kawatan, isang babae at isang lalaki na gumamit ng pantakip para maisagawa ang kanilang pagnanakaw.
Sa ulat ni Elmer Caseles ng GMA-Bicol sa Balita Pilipinas nitong Biyernes, ipinakita ang bahagi ng kuha ng closed-circuit-television camera na nakapuwesto sa loob ng tindahan.
Makikita sa video ang isang babaeng customer na naka-shoulder bag na nakapuwesto sa counter ng tindahan para magbayad.
Hindi nagtagal, isang babae na may hawak na shorts ang pasimpleng dumakit sa babaeng biktima at ginamit na pantakip ang shorts habang dinudukutan nito ang bag.
Maya-maya pa, isang lalaki naman naman na may hawak na illustration chart ang lumapit din sa puwesto ng dalawang babae.
Mapapansin na itinakip ng lalaki ang illustration chart upang hindi makita sa CCTV sa ginagawa ng babaeng mandukot.
Nang maisagawa na ng dalawa ang krimen, mabilis na umalis ang dalawa.
Kasunod nito ay napansin na rin ng babaeng biktima na nawawala na ang kaniyang wallet na may lamang P3,000.00 cash at mga importanteng dokumento.
Sinisikap na umano ng pulisya na makilala ng pulisya ang mga salarin sa tulong na rin ng CCTV footage.
Kasabay ng panawagan sa publiko na makipag-ugnayan sa kanila kung makikilala ang dalawang suspek, nanawagan din ang pulisya sa mga negosyante na dapat mayroong nakatalagang tao na magmo-monitor sa mga kuha ng CCTV para kaagad na mahuli ang mga gumagawa ng krimen. -- FRJ, GMA News