ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pera ng isang babae na nalimas dahil sa posibleng kaso ng ATM cloning, 'di papalitan ng bangko


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Labis ang pagkadismaya ng isang babae na nalimasan ng P80,000 na pera sa kaniyang ATM account dahil sa hinihinalang kaso ng tinatawag na ATM cloning.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, itinago ang katauhan ng biktima sa pangalang Queenie.

Sa naturang report, ipinakita ang kuha ng closed-circuit-television camera ng isang bangko sa Las Pinas city kung may isang lalaki na nagwi-withdraw sa ATM ng mismong bangko.



Ang naturang lalaki ang sinasabing naka-clone ng ATM account ni Queenie at umubos ng pera nito sa pamamagitan ng ilang ulit na pag-withdraw sa magkakaibang araw noong nakaraang Disyembre.

Hindi raw kilala ng biktima ang lalaki at laking gulat niya dahil nakapag-withdraw ito sa kaniyang account kahit hindi naman nawawala ang kaniyang ATM card.

Ayon sa pulisya, posibleng biktima ng ATM cloning si Queenie, at nakuha ang kaniyang account details at pin sa pamamagitan ng isang skimming device na ipinapasok sa ATM ng mga kawatan.

"It composed of a battery, wiring and the like. iniisert po ito in between sa opening ng ATM compartment I think," ayon kay SPO2 Ernesto Bautista Jr., Las Pinas Police Station, Investigation Section.
 
Pinuntahan ng GMA News ang bangko para hingan ng pahayag pero tumanggi sila.

Pero base sa sulat ng bangko kay Queenie, kinumpirma nito ang ginawang mga withdrawal.

Napag-alaman na ang bangko rin ang nagbigay kay Queenie ng kopya ng kuha sa cctv kung saan nakita ang pag-withdraw ng lalaki.

Pero hindi raw nila babayaran ang mahigit P80,000 nakuha sa account ni Queenie dahil sa pinirmahan nitong kasunduan sa bangko bilang kanilang kliyente.

Sa naturang kasunduan, nakasaad daw na hindi liable ang bangko sa anumang pagkawala ng pera sa pamamagitan ng hindi awtorisadong paggamit sa ATM.

Sa paniniwala daw kasi ng bangko, awtorisado ang mga ginawang transaksyon kaya hindi nila maibabalik ang pera ng biktima, bagay na hirap tanggapin ng biktima. -- FRJ, GMA News