ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pamilyang may-ari ng ErgoCha milk tea shop, hinihinalang sinabotahe sila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang linggo makaraang maganap ang hinihilng insidente ng pagkalason sa tatlo katao --na ikinamatay ng dalawa sa mga biktima, nagsalita na ang misis at anak ng may-ari ng ErgoCha milk tea shop sa Sampaloc, Maynila nitong Biyernes.

Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing hiniling ng mag-ina sa media na huwag munang ipakita ang kanilang mukha, at huwag ilabas ang buo nilang pangalan.

Pero naniniwala raw sila na may pananabotaheng nangyari sa pagkamatay ng kanilang padre de pamilya na si William Abrigo, at ang kostumer na si Suzaine Dagohoy.

Isinugod din sa ospital at nakaligtas sa insidente ang nobyo ni Dagohoy na si Arnold Aydalla.

Hinihinala ng mga imbestigador na nalason ang tatlo sa ininom na milk tea, na ginawa raw mismo ng may-ari ng shop na si Abrigo.
 
Sa binasa niyang pahayag, itinanggi ng anak ni Abrigo ang pahayag ng isang tauhan ng shop, na nagdala siya sa tindahan ng likido na may nakasusulasok na amoy bago ang insidente.

Humarap na rin daw siya sa Manila Police District para magbigay ng kaniyang panig.

Hihintayin na lang daw ng pamilya Abrigo ang resulta ng pagsusuri at imbestigasyon ng mga awtoridad.

Ayon sa batang Abrigo, bihira siyang makialam sa tindahan at ang kaniyang ama at tauhan nila ang nag-aasikaso sa kanilang negosyo.
 
"Wala po akong dalang kemikal. Humingi po ako sa kaniya ng lalagyan at ang nilagay ko po doon ay tubig. Ang sinasabi niya pong kemikal ay tubig lamang po na galing sa gripo sa loob po ng tindahan," paliwanag niya. 
 
"Hindi ko po alam kung ano ang sinasabi niyang masangsang na amoy dahil mga panahon po iyon, the night before [noong] April 8, nagluluto po ako ng oolong tea kasi meron po itong matapang na amoy na siguro kung hindi sanay ang tao, masasabi niya pong masangsang ang amoy nito," dagdag nito.
 
Sabi naman ng kaniyang ina, "Kami rin ay nagnanais na nawa'y mabigyan ng linaw na ang malagim na pangyayaring ito kung kaya't walang alinlangan at patuloy ang aming kooperasyon at pakikipagtulungan sa mga awtoridad." -- FRJ, GMA News