Pinoy lifeguard sa Saudi nalunod o inatake sa puso?
Humihingi ng tulong sa pamahalaan ang asawa ng isang overseas Filipino workers (OFW) na namatay sa Saudi Arabia matapos umanong malunod sa swimming pool upang agarang mauwi ang bangkay nito sa Pilipinas. Sa ulat ng GMA 7 24 Oras nitong Martes, sinasabing namatay si Dolmart Garcia, 29, isang lifeguard, noong Sabado sa Najran, Saudi Arabia. Ngunit hindi kaagad naniwala si Susana GArcia, asawa ni Dolmart, na nalunod ang OFW dahil batid niyang mahusay itong lumangoy at katunayan nga ay lifeguard pa ang trabaho nito. âHindi ako naniwala kasi ang sabi ko magaling lumangoy 'yan. Baka may foul play, 'yun ang una kong naisip, baka may sumalbahe," ani Susana. Natanggap na ni Susana ang death certificate ng asawa mula sa Saudi ngunit hindi niya ito maunawaan dahil sa Arabic ito nakasulat. Pero kuwento ng mga kasamahan ng asawa nito sa Saudi, namatay si Garcia dahil sa atake sa puso. Bukod sa problema kung papaano bubuhayin ang naiwan ni Garcia na dalawang anak, pinoproblema din nito kung kailan makikita ang labi ng asawa. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pa silang natatanggap na impormasyon kaugnay sa pagkamatay ni Garcia at hinihintay pa nila ang report mula sa embahada ng Pilipinas sa Saudi. Sa ngayon, ang nagsisilbing ala-ala ni Susana sa asawa ay ang pagiging maaalalahanin nito. âI love you very much my beautiful wife. Ma âwag kang laging magpuyat. Ma ang inumin mo tsaa na may gatas na may asukal, 'yan ang pinaka-kape mo para di ka mapagod," paalala umano ni Garcia sa isa sa mga huling ipinadalang text message ni Dolmart kay Susana. - Fidel Jimenez, GMANews.TV