Mga bangus sa palaisdaan, hinuli na kahit maliliit pa dahil sa sobrang init ng panahon
Upang hindi masayang sakaling tamaan ng fish kill, pinili ng ilang may-ari ng palaisdaan sa Dagupan City, Pangasinan na hanguin na ang mga bangus kahit maliliit pa.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing kabilang sa mga maagang naghango ng isda ay si Mang Mario Melendez.
Wala nang natirang bangus sa mahigit dalawang ektarya niyang palaisdaan na nasa gilid ng De Venecia Extension Road.
Sa katapusan pa sana ngayong buwan ang anihan ng isda pero dahil sa pangamba sa fish kill dahil sa epekto ng init ng panahon, hinango na niya ang mga ito para hindi masayang.
"Natatakot na akong kuwan eh, baka ma-fish kill yung bangus namin, malaki na rin ang puhunan," paliwanag niya.
Ramdam na rin ng mga may palaisdaan ang pagbabaw ng antas ng tubig sa kanilang palaisdaan.
Mula sa dating lampas tao na taas ng tubig, ngayon ay hanggang dibdib na lang ito.
Sa ngayon, wala pa namang naitatalang kaso ng fish kill ang City Agriculture Office pero hindi raw imposibleng mangyari ito sa mainit na panahon.
Kaya naman kung kakailangan, ipinapayo ng mga awtoridad ang "forced harvest" sakaling maramdaman na ang epekto ng matinding init sa mga palaisdaan. -- FRJ, GMA News