WATCH: Baybayin sa isang barangay sa Caba, La Union, nilalamon na ng dagat
Pinaniniwalaan na climate change ang dahilan ng pagtaas ng dagat kaya unti-unting nilalamon ng tubig ang baybayin ng isang barangay sa Caba, La Union.
Sa ulat ng GMA News TV's News To Go nitong Miyerkules, ipinakita ang ilang bahay at ilang resort na naapektuhan sa pag-abante ng tubig-dagat sa baybayin ng barangay Santiago Norte.
Nasa 20 kabahayan na ang tuluyang nasira at natumba na rin ang mga poste na inilagay sa baybayin dahil sa pagragasa ng alon simula noong Semana Santa.
"Naubos na yung mga buhangin dito. Dati malayo diyan eh mga 40 meters 'yan, hanggang doon ang buhangin. Ngayon wala na," kuwento ng kapitan na si Antonio Fontabuena.
Paliwanag ni Anthony Maglaya, municpal engineer ng Caba, ang nangyari sa barangay Santiago Norte ay epekto ng climate change na nagdudulot ng pagtaas ng antas ng dagat.
"Napakabilis yung advancement ng tubig-dagat, nasa 10 meters from the original shoreline, biglang tumaas," pahayag niya.
Bukod sa pamumuhay at kaligtasan ng mga residente, naapektuhan din ng pagtaas ng dagat ang turismo sa lugar dahil nawawasak na ang ilang resort.
Ang ilang residente at mga may-ari ng beach resort, sari-sariling diskarte ang ginagawa para maharang ang dagat at maprotektahan ang kanilang ari-arian.
Ang residente na si Caloy Lomboy, naglalagay ng mga bato at semento para may depensa sa tubig na papasok sa kaniyang bakuran.
Nais din ng mga residente na maglagay na ang lokal na pamahalaan ng permanenteng breakwater gaya ng ginawa rin sa katabing barangay San Carlos para hindi na umabot sa kanilang ari-arian ang alon.
"Ginagawa na namin lahat ng aming makakaya, gagamitin yung barangay fund at yung calamity fund ng munisipyo para doon," ayon kay Maglaya. -- FRJ, GMA News