Customs chief Sevilla, nagbitiw sa puwesto
"Nasa panganib ang daang matuwid sa Customs." Ito ang inihayag ni Commissioner John "Sunny" Sevilla matapos magbitiw sa kaniyang posisyon bilang pinuno ng Bureau of Customs nitong Huwebes.
"Ginawa ko na ang makakakaya ko, sana ang sumunod sa'kin, ipagpatuloy natin, mas maayos sana," anang opisyal sa ipinatawag na pulong balitaan.
"I hope he will do better than me, dahil lubhang-lubhang nasa panganib ang daang matuwid sa Customs," dagdag pa ni Sevilla na mahigit isang taon pa lang sa puwesto makaraang palitan naman ang nagbitiw din na dating pinuno ng ahensiya na si Ruffy Biazon.
Naging makahulugan din ang sinabi ni Sevilla tungkol sa peligrong kakaharapin ng mga gumagawa ng tama sa BOC.
"Kapag gawin mo ang tama sa Customs, may risk kang kahaharapin," saad niya.
Inamin din ni Sevilla na naging mahirap para sa kaniyang na ipatupad ang mga reporma sa Customs. Gayunman, umaasa siyang ipagpapatuloy ng taong papalit sa kaniya ang kaniyang mga nasimulan.
Bago naging BOC chair, dating undersecretary ng Department of Finance si Sevilla na itinalaga sa puwesto ni Pangulong Benigno Aquino III noong December 2013, kapalit ni Biazon.
Nagbitiw si Biazon, dating kongresista, nang madawit ang pangalan sa umano'y pork barrel scam sa inilabas na listahan ng Department of Justice.
Sinasabing inihain ni Sevilla ang kaniyang resignation letter kay Aquino nitong Miyerkules. Umaasa siyang tatanggapin ni Aquino ang kaniyang pagbibitiw at maglalagay kaagad ito ng kaniyang kapalit.
Tumanggi si Sevilla na tukuyin kung sino ang posibleng ipalit sa kaniya.
"Kilala ko, pero hindi ko muna sasabihin," aniya.
Pulitika, palakasan
Sinasabing isa dahilan ng pagbibitiw ni Sevilla ay hindi na niya kaya ang pulitika sa ahensiya.
"Nitong huling mga linggo, may nakakausap akong mga kaibigan sa Customs, lahat kami nag-a-agree na ramdam na ramdam ngayon na political ang atmosphere... May political factors na gumagalaw in the background," aniya.
"Noong nagsimula ako dito, ginawa ko ang lahat para hindi maging factor ang politika ang palakad sa Customs," patuloy niya. "Nitong mga nakaraang buwan, pahirap ng pahirap iyon... Nitong mga darating na buwan, baka maging imposible na iyon."
Hindi na rin daw niya masikmura ang katiwalian sa ibang opisyal.
"Marami na akong pinagtiyagaan, marami na akong binabantayan, tao lang ako, hanggang dito na lang kakayahan ko," ayon pa sa nagbitiw na opisyal.
"Pangalawa, bakit kailangang tanggapin ng mga empleyado ng Customs, ng mga nagrereporma sa Customs, yung consequences ng political compromises? Ang hirap-hirap na ng aming ginagawa dito... Bakit kailangan pang isama iyon?" tanong niya.
Kinuwestiyon din niya ang mga nagtutulak sa appointment ng ilang opisyal tulad kay Customs Intellectual Property head Teddy Raval, na nais daw gawing pinuno ng Enforcement and Security Service.
"Walang ibang dahilan na binibigay para sa appointment ni Attorney Raval," aniya. "Malakas ang tulak na ma-promote sa matataas na posisyon sa Customs."
"Kapag nangyayari ang ganyan, pinu-push ang ganyan, ako ay nagdududa sa kanilang motivations," pahayag ni Sevilla.
May naririnig din umano siya na may gumagamit sa pangalan ng Iglesia ni Cristo para itulak ang appointment ng ibang opisyal.
"Lahat ng nagsasabi, Iglesia ni Cristo ang nagtutulak raw niyan, hindi ako nakakasiguro, at ayaw ko maniwala na sila ang nagtutulak, pero consistent sa nagtutulak sa appointment ni Attorney Raval iyon ang sinasabi," patuloy niya. "Kung hindi sila, eh 'di sino? Maliwanag sa'kin kung sino ang nagtutulak na 'yon."
Para maipatupad ang reporma, sinabi ni Sevilla na dapat mayroong "political skills" ang taong ipapalit sa kaniya.
"Wala po akong political skills," pag-amin niya. "Ang mamumuno dito ay dapat may kakayahang mag-navigate, mamuno sa isang political environment, habang itinutulak ang reforms, kailangang may political skills ang commissioner ng Customs."
Bumuti ang ahensiya
Sa isang pahayag, sinabi ni Finance Secretary Cesar Purisima na nagawa ni Sevilla na ayusin ang Customs upang maging, "one of the most radically open and transparent agencies in government, has made government regulation more efficient for doing business in the country, and has taken great strides to thwart graft, technical and outright smuggling by filing cases, alert orders and seizures against erring importers, brokers, and officials."
Tumaas din umano ng 21 percent ng koleksiyon ng ahensiya nitong 2014, na mas mataas sa 5 percent increase na nagawa noong "pre-reform period."
"... Customs is the most improved national government agency in terms of revenue collection last year, thanks in no small part to the person who lead it," saad pa sa pahayag ng kalihim.
"I wish him all the best and I am confident that the foundations Commissioner Sevilla has built will allow a clear path of reform for whoever his appointed successor is... Commissioner Sevilla has set the bar extremely high: his successor will have big shoes to fill," dagdag ni Purisima. – FRJ, GMA News