Mag-asawang Pinoy nagtayo ng PT clinic sa US
Labing-isang taon na nagtiis sa Amerika ang mag-asawang Dana at Gabriel Edaugal. Sa Hunyo 25, may bagong kabanata na magaganap sa kanilang buhay patungo sa katuparan ng kanilang minimithing pangarap. Taong 1996 nang makipagsapalaran sa US sina Gabriel at Dana. Bitbit ng mag-asawa ang apat na maleta at $400 sa kanilang bulsa. Bukod sa mga damit, laman ng dalawa pang maleta ang mga libro at babasahin tungkol sa kanilang propesyon bilang physical therapists, ayon sa ulat ni Rick Laney para sa The Daily Times. At makaraang makapasa sa American Physical Therapy Board Exam at mahabang karanasan sa pagpa-practice ng kanilang propesyon sa Tennessee, bubuksan na nina Gabriel ang kanilang sariling klinika sa Alcoa na pinangalanang Dynamic Rehab Services LLC. Katuwang ng mag-asawang Edaugal sa pagpapatakbo ng klinika ang mag-asawang Pinoy rin na sina Romeo at Elizabeth Gomez, na ayon kay Gabriel ay itinakda ng tadhana na kanyang maging kaibigan. Sa panayam ng The Daily Times, sinabi ni Gabriel na bata pa lang ay pangarap na niyang maging physical therapist at makarating sa Amerika. Tulad ng karaniwang bata sa Pilipinas, naniniwala si Gabriel sa âGreat American dream." Ikinwento rin ni Gabriel kung gaano kalawak ang pagtuturo ng English sa mga kabataan sa Pilipinas kaya naman maging ang karaniwang mamamayan ay kayang magsalita ng English. Dagdag pa niya, alam ng mga estudyante sa Pilipinas na malawak ang oportunidad sa US kaya naman marami ang nagsisikap na makapunta rito. Sipag at tiyaga Sa kanilang pagyapak sa US, sinariwa ni Gabriel ang mga alaala ng kanilang pagtitiis at pagsisikap. Kasama na rito ang pagtulog sa foam mat sa sahig sa maliit na apartment sa Florida. At ang kaisa-isang kasangkapan na kanilang binili, ang dining room table na naging saksi sa kanilang pagtira roon ng isang taon. Ngunit hindi ito naging balakid para isuko nila ang pangarap, kumuha sila ng physical therapy exam at kanila itong naipasa. Sumunod ang pagtulak ng mag-asawang Edaugal sa McMinnville para sa isang job interview at doon niya nakita ang isang tao na itinakda ng tadhana na kanyang maging kaibigan at makatrabaho. Ukit ng tadhana Kuwento ni Gabriel, mayroon siyang nakilala sa Pilipinas na ang pangalan ay âRomy." Nauna si Romy ng isang taon sa kanya na lumipad sa US at wala siyang alam kung saan ito namamalagi. Ngunit sa interview sa McMinnville, Tennessee, inaya siya ng director ng klinika na kanyang inaplayan upang ipakilala sa iba pa nilang physical therapists. Isa raw sa ipapakilala sa kanya si âRomeo Gomez" na hindi niya akalain na si âRomy" rin pala. At nang kanyang makaharap, hindi talaga siya makapaniwala na muling magku-krus ang kanilang landas sa gitna ng Tennessee. Sa tagpong iyon, naisip ni Gabriel na nakatakda talaga silang magkasama sa trabaho. Kaya naman mula sa McMinnville, tumulak rin si Romeo sa Maryville para sa kanilang physical therapy clinic. Hindi nag-iisa si Romeo na pumunta sa Maryville, kasama niya ang asawang si Elizabeth para makatuwang ng asawa si Gabriel na si Dana na pawang mga licensed physical therapist. Sa pinagsama-samang karanasan para sa outpatient, hospital, home health at rehabilitation service, ang pagsisilbi sa kanilang mga magiging pasyente ay gagamitin nila sa 1,600-square-foot clinic. Iniaalok nila ang specialty services sa lymphedema management, neurological/stroke rehabilitation, orthopedic rehabilitation, foot at ankle injuries at pananakit ng likod at leeg. Ayon kay Gabriel, ang mga nabanggit na serbisyo ay hindi pa makikita sa Blount County kaya naman kailangan pang bumiyahe ang mga pasyente sa Maryville at Alcoa patungo sa Knoxville upang makapagpagamot. Ngunit bukod sa bagong klinika, sabik din umano si Gabriel na makilala ang kanyang mga pasyante. Paliwanag niya, hindi katulad sa mga ospital, higit na may pagkakataon ang pasyente at manggagamot na magkakilanlan sa private therapy setting. Kabilang sa mga inaasahan ni Gabriel na mapagsisilbihan ay ang mga beterano ng World War II sa McMinnville. Aniya, malaki ang respeto niya sa mga mandirigma, Filipino at US. Tinatanaw niyang malaking utang na sa loob sa mga beterano ang buhay ng kanyang mga magulang. Sa kanyang pakikipagsapalaran sa US, naiwan sa Pilipinas ang mga magulang ni Gabriel at dalawa pang kapatid--habang patuloy niyang inaabot ang pangarap sa Amerika kasama ang asawa at dalawang supling na sina Justin, 7 taon at Kaitlin, 19 months. Ang klinikang Dynamic Rehab Services ay makikita sa 101 Gill St. in Alcoa sa likod lamang ng Armory Complex Building. - Fidel Jimenez, GMANews.TV