Filtered By: Topstories
News

Itinuturong recruiter umano ni Mary Jane Veloso, sumuko sa Nueva Ecija


Sumuko sa Nueva Ecija Provincial Police Office ang sinasabing recruiter ni Mary Jane Veloso na si Cristina Sergio.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing kasamang sumuko ni Sergio ang kaniyang live in partner na si Julius Lacanilao.



Ayon kay Sergio, sumuko siya dahil nangangamba siya para sa kaniyang kaligtasan.

Nauna nang sinabi ni Sergio na wala siyang kinalaman sa nangyari kay Veloso, na nahatulang mamamatay sa pamamagitan ng firing squad sa Indonesia dahil sa kasong pagpupuslit ng iligal na droga.

Sinasabing si Sergio ang nag-recruit kay Veloso na magtrabaho sa Malaysia at inutusang magpunta sa Indonesia na dala ang isang bagahe na may lamang droga.

Wala pang arrest warrant para kay Sergio pero nagsampa na ang National Bureau of Investigation ng reklamong human trafficking, illegal recruitment at estafa laban sa dalawa.

Sa ngayon, mananatili sina Sergio at Lacanilao sa provincial police office. Nakatakda namang ipatupad ngayong Martes ang parusang kamatayan kay Veloso. -- FRJ, GMA News