3 bahay, inararo ng trak na nawalan ng preno sa Cebu City
Tatlo katao ang nasugatan matapos bumangga ang isang trak na nawalan ng preno sa tatlong bahay na malapit sa kalsada sa Cebu City.
Sa ulat ni Vic Serna ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas ng GMA News TV nitong Martes, sinabing naganap ang insidente sa barangay Sapangdaku sa nabanggit na lungsod.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan ng preno ang trak na may kargang uling sa matarik at kurbadang bahagi ng kalsada malapit sa mga bahay.
Unang tumama ang trak sa railings at sumalpok sa isang bakod hanggang sa dumiretso sa mga bahay.
Sugatan ang drayber ng trak at kasamang niyang anak na babae. Sugatan din ang may-ari ng isa sa mga bahay.
Inamin naman daw ng drayber ng trak na mabilis ang kaniyang pagpapatakbo nang mangyari ang insidente.
Pinag-aaralan pa kung sasampahan ng reklamo ang drayber. -- FRJ, GMA News