ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Liquid nitrogen tumagas sa trak sa Batangas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang trak na may dalang 10,000 cubic meters na liquid nitrogen ang bumaligtad sa gilid ng highway Biyernes, kung saan sumingaw ang laman nito. Ayon sa GMA News 24-Oras, papunta ang trak sa Laguna Techno Park mula sa San Jose, Batangas nang biglang mawalan ng control ang manibela ng trak at mahulog sa 7 feet na rampa sa gilid ng kalsada. Ayon kay Rene Pan, pahinante ng nasabing trak, dahan-dahan lang naman daw ang takbo ng trak bago maganap ang aksidente.. Ngunit lumalabas sa imbestigasyon ni Superintendent Francisco Rodriguez ng Tanauan Police na maaring nakatulog ang drayber na si Nomer dela Peña habang nagmamaneho at naging ugat ito ng pagkawala nito sa kontrol ng manibela. Tinitingnan din ng mga pulis ang hindi pagpapalit ng sira-sirang gulong ng trak kung kaya hindi ito nakapreno agad. Samantala, iginiit naman ng mga opisyales ng kalusugan sa Batangas nitong Biyernes na walang panganib sa kanilang buhay ang singaw ng liquid nitrogen sa loob ng tumumbang trak sa Tanauan City, Batangas. Sa pagsingaw ng nasabing kemikal, naging yelo ang mga tubong bakal na ginamit na panghigop dito maging ang mga damo at halamang malapit sa trak. Ayon sa mga opisyal, aabot diumano sa -200 degrees ang temperatura ng sumingaw na gas. Sa isang panayam sa dzRH radio nitong Biyernes ng hapon, ipinaliwanag ni Batangas provincial health officer Isagani Bolompo na walang panganib sa kalusugan ang nangyaring aksidente dahil naganap ito sa “open air" kung kaya ang anumang tsansa ng kontaminasyon ay maliit. Ang liquid nitrogen ay isang “colorless, odorless, non-corrosive at non-flammable “ na gas na kapag nalanghap ng marami ay maaring maghatid ng pagkahilo, pananakit ng ulo, pagkawala ng malay, maging kamatayan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV