Pagsalba kay Veloso, sama-samang pagkilos ng mga Pilipino, ayon sa Palasyo
Hindi umano mahalaga para sa Malacañang ang patutsada ng ilang grupo na hindi kilalanin ang ginawang pagkilos ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III para maisalba sa bitay ang buhay ng Pinay death row inmate na si Mary Jane Veloso sa Indonesia.
Sa press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Cabinet Secretary Rene Almendras na ang pagligtas kay Veloso ay resulta ng pinagsama-samang pagkilos ng mga Pilipino.
“I don’t think we should argue about who gets credit or who did a bigger job. I think I’d rather say that everybody helped and somehow it all came down together and it worked well,” pahayag ni Almendras.
Dagdag pa ng kalihim, “It’s not important as to who gets credit on this. I think as a nation, we are celebrating the fact that Mary Jane is alive.”
Gayunman, sinabi ng kalihim na ang desisyon ni Aquino na kausapin ang Indonesian foreign minister ang “nagpabago” sa sitwasyon ng kaso ni Veloso. Ito'y makaraang ibasura ng korte ng Indonesia ang ikalawang apela ng Pilipinas para sa judicial review at maging ang hiling na clemency para kay Veloso.
Idinagdag pa ni Almendras na may nilabag na “protocol” si Aquino para lamang makausap ang opisyal ng Indonesia.
“The President himself talked to the Indonesian foreign minister. The Indonesian foreign minister was quite surprised because normally, that’s not done. When the president did that, she promised to relay to the President and whoever needs to learn in Jakarta,” paliwanag ni Almendras.
Marami ang natuwa nang hindi matuloy ang pag-firing squad kay Veloso nitong Miyerkules ng madaling araw. Gayunman, natuloy naman ang pagbitay sa walong iba pa na mula sa Australia, Brazil, Nigeria, at isang Indonesian.
Nahatulan ng kamatayan si Veloso dahil sa pagtutulak ng iligal na droga noong 2010. Ngunit depensa ni Veloso, hindi niya alam na may droga ang ibinigay sa kaniyang bagahe.
Sinasabing pumayag ang Indonesia na ipagpaliban ang pagbitay kay Veloso dahil sa sinabi ni Aquino na kailangan makuha ang testimonya niya para matukoy ang sindikato na nagpapakalat ng iligal na droga. Kasunod ito ng ginawang pagsuko ng sinasabing recruiter ni Veloso.
Una rito, sinabi ni Tony Spontana, spokesman ng Attorney General ng Indonesia na ang naturang kahilingan ni Aquino ang dahilan kaya ipinagpaliban ang pagbitay kay Veloso.
Sa kabila nito, iginiit ng mga militanteng mambabatas na hindi dapat bigyan ng kredito sa pagkakasalba sa buhay ni Veloso si Aquino dahil pinabayaan umano ng gobyerno ang kaso sa nakalipas na mga taon.
Ngunit giit ni Almendras, hindi tama na akusahan na walang ginawa noon ang gobyerno para sagipin si Veloso.
“There is data, there is proof, there is documentary evidence na trinabaho ito from the very beginning,” aniya. —FRJ, GMA News