Batang babae, iginapos at inabuso raw ng isang lalaking kinupkop ng pamilya ng biktima
Labis ang sama ng loob ng isang ginang sa Quezon City sa lalaki na kanilang kinupkop pero nagawa pa raw pagsamantalahan ang apat na taong gulang niyang anak na babae.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing naaktuhan ng ginang na itinago sa pangalang Carla, habang inaabuso ng suspek ang kaniyang anak.
Nakita raw ni Carla na nakagapos ang mga kamay ng bata at walang damit sa loob ng kanilang bahay.
Kaagad namang nakahingi ng tulong ang ginang kaya nagawang madakip ang suspek.
Labis ang sama ng loob ng ginang dahil kinupkop lang daw nila ang suspek na bayaw ng isa niyang kapatid.
Itinanggi naman ng lalaki ang paratang at sinasabing naglalaro lang sila ng bata.
Sadya raw itinatali niya ang bata at pinapagod bago niya bihisan. -- FRJ, GMA News