PNR, tigil-operasyon para masuri ang mga riles
Itinigil ng Philippine National Railways (PNR) nitong Martes ang kanilang operasyon nitong Martes para masuring mabuti ang riles ng tren bunga pagkakadiskaril ng tren nito sa Makati City noong nakaraang linggo.
Ginawa ang tigil-operasyon para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero, ayon sa PNR.
Ayon kay PNR assistant manager Diosdado Silva, nagpulong nitong Martes ng umaga ang mga opisyal at engineers ng ahensiya kaugnay ng gagawing inspeksiyon. Kaagad umanong aayusin ang anumang problemang makikita sa gagawing pagsusuri.
Hindi kaagad masabi ng PNR kung maipagpapatuloy ang operasyon. Gayunman, tiniyak nilang kaagad na patatakbuhin ang mga tren kapag naisaayos ang mga problema sa riles.
Inabisuhin na lamang ang publiko na gumamit na muna ng ibang paraan ng transportasyon. —FRJ, GMA News