West Philippine Sea, pinakamalaking alalahaning pangseguridad ng bansa
Ang agawan sa teritorya sa West Philippine o South China Sea ang pinakamalaking alalahaning pangseguridad ng Pilipinas ngayon, ayon kay National Security Adviser Cesar Garcia Jr.
"It is now very clear that our territorial disputes in the West Philippine Sea has in fact overtaken all security issues in our hierarchy of national security concerns," pahayag ni Garcia sa pagdinig ng Senate committee on national defense nitong Huwebes.
Tinalakay sa nasabing pagdinig ang ginagawang reclamation o paggawa ng mga isla ng China.
Pahayag pa ni Garcia, "it's imperative to transition the armed forces from its domestic security focus towards an external or territorial defense role as rapidly as possible."
Tungkol sa sitwasyon sa panloob na seguridad ng bansa, sinabi ng opisyal na bumubuti ito sa nakalipas na limang taon. Binanggit niya ang patuloy ng usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front sa kabila ng naganap na trahediya sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Isinama rin ni Garcia ang matagumpay na kampanya laban sa terorismo sa pagkakapatay sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, ang maging sa mga kaalyado nitong sina Basit Usman at Ali Tambako.
Nagtatagumpay din umano ang kampanya ng gobyerno laban sa communist insurgents.
Ayon kay Garcia, sa ilang lugar lang sa bansa maituturing matinding banta sa seguridad ang Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front.
"This leaves us with the external security environment and our seemingly intractable territorial disputes in our maritime zone," anang opisyal.
Sinabi rin ni Garcia na kailangang ipakita ng Pilipinas sa ibang bansa na namumuhunan ang pamahalaan sa seguridad. Sa mga bansang kasapi ng ASEAN, ang Pilipinas umano ang ikalawa sa 10 bansang kasapi na may pinakamababang inilalaan sa pagpapalakas ng depensa.
Ayon sa opisyal, nasa 1.1 hanggang 1.3 percent lamang ng gross domestic product ang ginagamit ng Pilipinas para sa depensa, gayung base sa nakaraang online study ng Stockholm International Peace Research Institute, 2 percent ng GDP ang maituturing observable military expenditure ng isang bansa na walang kinakaharap na banta sa kanilang seguridad. —FRJ, GMA News