Walong OFW patuloy ang pagkayod sa North Korea
Sino ang mag-aakalang maging sa komunistang bansa ng North Korea ay umabot na rin ang mga manggagawang Pinoy? Nakasalo namin sila sa Pyongyang noong nakaraang lingo sa isang hapunang inihanda para sa kanila ni Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo. Apat sa kanila ay nagtatrabaho sa United Nations. Sa ilalim ng World Food Program, tinutulungan nilang tugunan ang problema ng gutom sa komunistang bansa. Apat naman ang mga empleyado ng isang British tobacco company na may factory sa Pyongyang. Nakatira sila sa hotel na aming tinuluyan nang mapasama kami sa makasaysayang pagbisita doon in Secretary Romulo, ang kauna-unahang foreign affairs secretary na nakabisita sa North Korea. Si Carlos Miranda, technical specialist sa factory, halos limang taon na doon. Na-culture shock daw siya noong una. Pero sa kalaunan, na-appreciate din daw niya ang North Korean culture. Hindi sila malayang nakakapamasyal sa Pyongyang. Limitado lang sa paligid ng hotel ang pwede nilang puntahan. Kailangan pa nilang humingi ng permiso kung mamasyal sila sa ibang lugar, pero matagal daw bago ito maaprubahan. Sa paniniwala ni Carlos, pinoprotektahan daw kasi ng gobyerno ang kanilang sistema doon kaya limitado ang pakikisalamuha ng mga locals sa mga banyaga. Dahil kaunti lang sa mga North Korean ang nakapagsasalita ng Ingles, may parati silang kasamang interpreter. Para hindi masyadong ma-homesick, nanonood na lamang daw sila ng mga DVD ng mga pelikulang Pilipino at siyempre, nagluluto ng mga paborito nilang pagkaing Pinoy. Si Bernard Dizon, na technical specialist din sa tobacco factory, hindi akalaing aabot siya ng anim na taon sa North Korea. Kung anu-ano na nga raw ang kanyang ginawa para hindi gaanong mabagot, gaya na lang ng miniature model ng kanilang bahay dito. Hindi raw kasi maaasahang pampalipas-oras doon ang TV dahil pare-pareho lang ang palabas, puro mga Korean show sa local channel. Limitado naman daw ang palabas sa cable channels sa hotel. Sa hiling na rin nila sa kanilang employer, nakakauwi sila sa Pilipinas tuwing tatlong buwan. Sapat daw ang kanilang kinikita doon para makayanan ang lungkot. Ang kanilang pagtitiis ay para din naman daw sa kanilang mga pamilya. - GMANews.TV