ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 duktor, 4 na security guard, nahaharap sa reklamo kaugnay ng pagkakabaril ni Jolo Revilla sa sarili


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang apat na security guard at tatlong duktor kaugnay ng umano'y aksidenteng pagkakabaril sa sarili ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla noong Pebrero.

Sa pulong balitaan nitong Martes, inihayag nina Philippine National Police (PNP) spokesman S/Supt. Bartolome Tobias at Muntinglupa City chief of police S/Supt. Allan Nobleza, ang paghahain ng obstruction of justice at disobedience of an order of a police officer, laban sa mga duktor na sina Edgar Jaro Mendiola, Gracita Ybiernas at Eden Ferrer-Lasala, at mga security guard na sina Julius Baniago, Dondon Roselinda at Frobel Aloro at Jose Torrendon.
 
Sina Mediola, Ybirnas at Lasala ay kaanib ng Alarm and Security Investigation Services na nakatalaga sa Asian Hospital; habang si Torrendon, ay miyembro ng Bulldog Security Agency, na nakatalaga sa Ayala Alabang village, Makati.

Ayon sa pulisya, nabigo ang mga guwardiya na gawin ang kanilang tungkulin na iulat kaagad sa mga awtoridad ang mga insidente ng pagkakabaril at pagkakasugat sa kanilang nasasakupan.

Samantala, itinanggi naman daw ng guwardiya ng Asian Hospital na dinala sa pagamutan ang sugatang bise gobernador nang magtanong ang mga pulis.

Hindi naman daw pinapasok ni Torrendon sa subdivision ang mga pulis nang magtungo sa lugar.

Ang tatlong duktor naman ay kakasuhan ng administratibo sa Professional Regulation Commission (PRC) dahil sa paglabag sa Executive Order 212. Hindi raw ipinagbigay-alam ng mga duktor sa mga awtoridad na may tinanggap silang pasyente na nagtamo ng sugat dahil sa tama ng baril.

Kung mapapatunay na nagkasala, posible umanong alisan ng lisensya ang mga duktor at mga guwardiya.

Kaugnay nito, inihayag ng pulisya na hindi pa ligtas si Revilla sa anumang asunto dahil ipinaubaya na nila ang mga ebidensiya sa Department of Justice para pag-aralan ang kasong maaaring isampa sa bise gobernador.
 
Hindi pa rin umano matukoy ng pulisya kung sadya o aksidente ang pagkakabaril ni Revilla sa sarili.
 
Sa nakaraang mga pahayag, sinabi ng bise gobernador na aksidente ang nangyari sa kaniya habang nililinis ang baril.
 
Kabilang umano sa pag-aaralan ay kung may nilabag na probisyon si Revilla sa comprehensive firearms and ammunitions law.

Lumilitaw sa imbestigasyon na ang nakarehistro ang baril na nakasugat kay Revilla sa pamahalaang panlalawigan ng Cavite. -- Saleema Refran/FRJ, GMA News