Mag-live in, naghiwalay dahil daw sa online game na 'Clash of Clans'
Kung dati ay birong tanong lang ang "DOTA o ako?" sa mga nagsyota, ngayon ay tila nagkatotoo ito. Sa isang ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, hindi nga lang ang online game na Defense of the Ancients o Dota ang dahilan ng hiwalayan ng magka-live in kung hindi ang "Clash of Clans" o CoC
Sa ulat ni GMA News reporter Kara David, ikinuwento ng isang babae na itinago sa pangalang Joy, na pinili niyang tapusin ang anim na taong pagsasama nila ng nobyong itinago sa pangalang Robert dahil sa pagkahumaling ng lalaki sa paglalaro ng CoC.
Ayon kay Joy, umaabot sa 16 hanggang 20 oras ang ginugugol ng kaniyang nobyo sa paglalaro ng computer, at napapabayaan na rin maging ang kanilang anak.
Sa Clash of Clans, nagtatayo ang naglalaro ng kampo o kaharian at kailangan niya itong protektahan mula sa kalabang online gamers din.
Hinanakit ni Joy, mas binabantayan pa ng kaniyang nobyo ang kaharian nito sa Clash of Clans kaysa sa kanilang anak.
Kaya nitong Mayo, nagdesisyon daw si Joy na tuluyan nang hiwalayan si Robert.
Hindi na maitatanggi na sadyang marami na ang nahuhumaling sa video games. Katunayan, maging si Pangulong Benigno Aquino III ay minsan na ring nagpaalala sa mga kabataang estudyante na hinay-hinay sa paglalaro sa CoC.
"Tapusin muna ang mga takdang-aralin bago ang raid sa Clash of Clans," saad ni Aquino sa isang talumpati sa harap ng mga kabataan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na natalakay ni Kara ang usapin video game addiction. Noong 2012, isang dokumentaryo ang kaniyang ginawa tungkol sa college student na si Mark.
Sa computer shop na natutulog si Mark at ginagastos na niya ang perang pangmatrikula sa kaniyang paglalaro ng computer games.
Ngunit hindi lang ang mga kabataang nag-aaral ang nahuhumaling sa larong ito. Katunayan, maging ang palaboy sa kalye na si "Doy," aminadong nauubos niya sa online game ang kinikita niya sa panlilimos.
Ayon sa psychiatrist na si Dra. Bernadette Arcena, escapism o pansamantalang tagtakas sa katotohanan ang habol ng mga naaadik sa video games.
"In this ikaw ang nasusunod, in reality at times, hindi ikaw ang nasusunod. And the reality of life is harder so nag-e-escape ka," paliwanag niya.
Ayon pa kay Arcena, tila harmless sa umpisa ang video game addiction. Pero kapag nagtagal ay para na rin daw itong droga na mahirap bitawan.
Payo ng mga eksperto, habang maaga pa ay dapat maglatag na ng patakaran ang mga magulang ukol sa paggamit ng internet at paglalaro ng videogames.
Makabubuti rin umano kung kinakausap at laging binigyan ng atensiyon ang anak at ipakilala ang bata sa iba pang bagay na mapaglilibangan. -- FRJ, GMA News