Ilang eye center sa bansa, iniimbestigahan ng Philhealth dahil sa kuwestiyunableng sinisingil
Itinigil ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagbabayad sa dalawang eye center sa Metro Manila dahil sa umano'y kuwestiyunableng claims o sinisingil ng mga ito. Bukod dito, may iba pang eye center sa bansa na iniimbestigahan din ng korporasyon.
Ayon kay Dr. Alexander Padilla, president and CEO ng Philhealth, ang dalawang eye clinic sa Metro Manila na sinisiyasat ay ang Pacific Eye Institute sa Makati at ang Quezon City Eye Center.
Itinigil ang pagbabayad sa claims ng dalawang klinika matapos maghinala ang Philhealth sa paglobo ng kanilang sinisingil para sa taong 2014.
Mula sa P69.5 milyon na halaga ng claims noong 2013, lumaki ito sa P169.496 milyon para 2014. Sa naturang halaga, P132.5 milyon nito ay para sa cataract operation.
Sa package ng Philhealth para sa cataract operation, umaabot sa P16,000 ang nakalaan na pondo para sa bawat miyembrong pasyente.
Samantala, mula sa P92.5 milyon na claims noong 2013, umakyat naman sa P156 milyon ang sinisingil ng QC Eye Center para sa 2014.
Ayon sa Philhealth, inaalam nila ang katotohanan sa nakalap nilang impormasyon na naghahakot umano ng mga pasyente ang mga eye center. Inooperahan din daw ang mga pasyente kahit hindi naman kailangan.
May insidente rin umano na isang pasyente sa Pacific Eye Institute ang nabulag ang isang mata matapos ang operasyon.
Sinuspindi na raw ng Philhealth ang akreditasyon ng duktor na nasa likod ng nabanggit na operasyon.
Gayunman, napag-alaman na nananatili pa ring nagtatrabaho sa nabanggit na klinika ang duktor dahil hindi naman suspindido o kanselado ang lisensiya nito.
Walang iregularidad
Nang puntahan ng mga mamamahayag ang Pacific Eye Institute, puno ito ng mga pasyente.
Ayon sa may-ari ng klinika na isa ring ophthalmologist, sadyang agresibo raw sila ngayon sa paghahanap ng mga pasyente.
Nagsimula sa mga referral, ngayon ay may mga empleyado na umano silang pumupunta sa mahihirap na komunidad para mag-imbita ng mga pasyenteng may problema sa paningin para magpasuri at magpagamot.
Dumami rin daw ang mga pasyente nilang senior citizens simula nang maging awtomatiko ang pagiging miyembro nila ng Philhealth.
Wala umanong masama sa marketing strategy na kanilang ipinatutupad dahil kasama naman sa benepisyo ng mga miyembro ng Philhealth ang iniaalok nilang serbisyo.
Nilinaw din nito na de-kalidad ang kanilang mga kagamitan sa klinika at hindi nag-oopera ang kanilang mga duktor kung hindi naman kailangan.
Tungkol sa umano'y nabulag na pasyente, sadyang nangyayari daw ito maging sa ibang klinika.
Bukod sa hindi naman daw perpekto ang lahat ng operasyon, may iba pa umanong dahilan para mangyari ito tulad ng kapabayaan mismo ng pasyente matapos ang operasyon.
Sa isang pahayag na ipinalabas naman ng QC Eye Center, iginiit nila na hindi sila sangkot sa anumang katiwalian.
Pinapanatili umano nila ang integridad at de-kalidad nilang serbisyo, at libu-libong mahihirap na Pilipino na raw ang kanilang naserbisyuhan.
Iba pang ospital
Ayon sa Philhealth, may 10 pang eye center sa buong bansa ang iniimbestigahan nila ngayon.
Itinigil din daw ng Philhealth ang pagbabayad sa isang ospital sa Ilocos, at may ospital din na iniimbestigahan sa Zamboanga Sibugay at sa Bicol.
Noong isang taon, tinatayang nasa P2 bilyon ang hinihinalang fraudulent claims. -- FRJ, GMA News