Kalihim ng DFA, pinakamayaman pa rin sa mga kasapi ng Gabinete
Nananatiling pinakamayaman sa mga kasapi ng Gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario. Pinakamaliit naman ang yaman ng kalihim ng Department of Education.
Base sa isinumiteng statement of asset, liabilities and net worth ng mga miyembro ng Gabinete nitong 2014, lumitaw na nasa P838,809,918.82 ang yaman ni del Rosario.
Mas malaki ito ng P7.3 milyon sa P765, 379,281.02 na isinumite niya noong 2013.
Sumunod naman si Finance Secretary Cesar Purisima na mayroong nt worth na P298,940,320.
Pumangatlo naman si Tourism Secretary Ramon Jimenez na mayroong total net worth P283,425,800. noong 2014.
Ang inaasahan na magiging standard bearer ng administrasyon sa 2016 elections na si Interior Secretary Mar Roxas, nagsumite ng net worth na P202,080,452.71.
Ang naturang halaga ay mas mababa sa P211,027,479.88 na yaman na idineklara niya noong 2013.
Samantala, nananatil naman na may pinakamaliit na yaman si Education Secretary Bro. Armin Luistro na mayroong idineklrang net worth na P471,064.46. —FRJ, GMA News