WATCH: 4 katao, sugatan sa pag-atake raw ng aswang; mga biktima, pinagkakagat
Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang umano'y insidente ng pag-atake ng aswang na nagsimula na malaking pusang itim bago naging tila tao, at pinagkakagat umano ang apat na biktima sa Cotabato.
Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Miyerkules, sinabing naganap ang insidente sa barangay Tapodoc sa bayan ng Aleosan sa Cotabato.
Batay umano sa kuwento ng mga biktima, sinabi ng punong barangay, na biglang pumasok daw ang malaking itim na pusa sa kanilang bahay at pagkatapos ay tila naging tao.
Pinagkakagat umano ng pinaniniwalaang aswang ang mga biktima sa iba't ibang bahagi ng kanilang katawan.
Humingi raw ng tulong ang mga residente sa barangay peacekeeping action team pero nakatakas ang aswang.
Dahil sa nangyari, takot ang nararamdaman ngayon ng mga residente.
Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ang insidente. -- FRJ, GMA News