Pagkatalo ni FPJ kay Arroyo, naungkat sa patutsada ng opisyal ng UNA sa LP
Sampung taon mula nang pumanaw, nakaladkad ang pangalan ng aktor na si Fernando Poe Jr., sa umiinit na bangayan sa pulitika kaugnay ng nalalapit na presidential elections sa 2016. Nitong Huwebes, pinaalalahanan ng isang opisyal ng United Nationalist Alliance (UNA) si Senador Grace Poe sa posibleng pakikipag-alyansa nito sa Liberal Party (LP) na nandaya at nagdulot umano ng pasakit sa ama niyang si FPJ noong 2004 presidential elections.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Atty. JV Bautista, interim Secretary General ng UNA, na miyembro ng LP ang mga nandaya umano kay FPJ kaya natalo ito noong 2004 presidential election kung saan nanalo si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kongresista na ngayon ng Pampanga.
"I don't know if Senator Poe was here in the Philippines when her father was being cheated. I was designated by the opposition as a regular canvasser.... Nakita ko lahat 'yan," pahayag ni Bautista, isa rin sa mga tagapagsalita ni Vice President Jejomar Binay, lider ng UNA.
"Perhaps that is the reason why the Vice President (Binay) thought it is very natural when Senator Poe will run, she must be with those people who helped her father," dagdag ng abogado.
Si Binay ang naging campaign manager ni FPJ noong 2004 elections.
Lider din ng UNA si dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor na si Joseph Estrada, na kilalang matalik na kaibigan ni FPJ.
Una rito, inihayag ni Poe na hindi niya nakikita ang sarili na makakatambal si Binay sakaling magpasya siyang tumakbo sa 2016 elections.
Nililigawan naman ng LP si Poe upang maging running mate ng posibleng maging standard bearer ng administrasyon na si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.
Naging kontrobersiyal ang resulta ng 2004 presidential elections kung saan lumutang ang alegasyon ng dayaan. Lumabas din ang tinatawag na "Hello, Garci" scandal kung saan kinumpirma ni Arroyo ang pagtawag niya sa dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na si Virgilio Garcillano habang nagkakaroon ng bilangan ng mga boto.
Gayunman, itinanggi ni Arroyo ang alegasyon ng dayaan. (Basahin: Defensor: Arroyo 'I am sorry' speech on poll fraud a mistake)
Nang panahon iyon, kaalyado ng partidong Lakas-CMD ni Arroyo ang LP na ang ilang opisyal ay namuno sa isinagawang canvassing o pagbibilang ng Kongreso sa boto ng mga kandidatong presidente at bise presidente bilang National Board of Canvassers.
Naging markado sa naturang canvassing ang katagang "noted" na laging tugon ng noo'y Sen. Francis Pangilinan, sa mga pagkuwestiyon ng kampo ni FPJ sa mga binibilang at pinagdududahang elections returns o ERs.
Basahin: Pangilinan: With better evidence, I wouldn't have just said 'noted'
Ilang buwan matapos ang halalan, pumanaw si FPJ dahil sa aneurysm noong Disyembre 2004.
Gayunman, bago ang pahayag ni Bautista kay Poe, napaulat na ikinukonsidera ng kampo ni Binay na makipag-alyansa sa lapiang Lakas-CMD para sa darating na halalan.
Inihayag din ng opisyal ng Lakas-CMD ang posibilidad na makipag-alyansa sila sa kampo ni Binay.
Isipin muna ang mga sasabihin
Bilang tugon sa pahayag ni Bautista, sinabi ni Poe na dapat inisip muna ng opisyal ng UNA ang mga bibitiwan nitong salita sa mga mamamahayag.
"Ayoko nang sumama ang sitwasyon, pero siguro dapat mag-isip-isip sila bago magsalita dahil mayroon silang mga kaalyansa na pinakasangkot sa pandaraya na kasama na nila ngayon," anang senador na hindi pinangalanan ang taong tinutukoy.
Dagdag pa ni Poe, ipinagpapasalamat niya ang pakikipagkaibigan nina Binay at Estrada pero hindi raw niya ito gagamiting basehan para sa susunod niyang hakbang sa pulitika.
"Hindi ko makakalimutan na kaibigan sila ng aking tatay at itinuturing ko ring kaibigan pero pagdating sa ating trabaho at responsibilidad sa bayan, kailangan nating isipin kung hanggang saan ang pagkakaibigan," aniya.
Mas nananaisin din daw niyang maging indepedyente sakaling tumakbo siya sa mas mataas na posisyon sa 2016.
"Kung tutulungan ako ng mga partido, salamat pero kailangang ma-maintain ang pagka-independent. Mahirap mabakod ng isang partido dahil ang layunin mo talaga ay sa mga taong naghalal sayo," paliwanag ni Poe.
Kaugnay nito, pinayuhan din ni Bautista si Poe na tapusin muna ang kaniyang termino bilang bagitong senador.
"Nakakakalahati pa lang po siya sa term niya. Perhaps she owes it to the people, for those people who voted for her," anang opisyal ng UNA.
Sa text message sa GMA News Online, sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice, vice president for political affairs ng LP, na hindi nararapat ang mga binanggit ni Bautista.
"I don't think that Senator Grace needs the advice of Attorney JV Bautista. This is something personal to Senator Poe. It's very unkind of Attorney Bautista to play politics on this subject matter. He's trying to be politically savvy but it's actually dumb," anang mambabatas. -- FRJimenez, GMA News