ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Jay Manalo inaresto dahil sa 'bomb joke' sa eroplano


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang buwan matapos magbiro sa airport ang aktor na si John Estrada, si Jay Manalo naman ang idinitene ng mga awtoridad nitong Huwebes ng umaga dahil sa birong may dala siyang bomba. Inaresto ang 34-taon gulang na aktor at ibinigay sa kustodiya ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas-9 ng umaga habang nakasakay na sa kanyang Philippine Airlines flight sa NAIA Centennial Terminal 2 patungo sa Palawan. Ayon kay Senior Superintendent Atillano Morada, head ng airport security, sa isang panayam sa dzEC radio na nagbiro si Manalo na may nakatagong bomba sa kanyang bagahe. Nainis diumano ang aktor matapos pakiusapan ng mga flight attendant na ilagay na lamang sa overhead compartment ang kanyang dalang gamit imbes na sa aisle ng eroplano. Dahil dito, nagbiro ang aktor na mayroong nakasilid na bomba sa kanyang gamit. Patungo sana sa Puerto Princesa, Palawan si Manalo sakay ng PR flight 195. Inaresto si Manalo dahil sa “false bomb threat" na may karampatang parusa sa ilalim ng Presidential decree 1727 na isinabatas ni dating Pangulong Marcos matapos ang kabi-kabilaang pambobomba at gawaing terorismo ng mga panahong iyon. Kung mapapatunayang nagkasala, maaring makulong ang actor ng limang taon at magbayad ng P40,000 multa. Noong ika-7 ng Mayo, nagbiro rin si Estrada na may bomba ang kanyang bagahe nang paalis ito sa airport ng General Santos City. Tumanggi si Estrada na ibigay ang kanyang mga gamit, kung kaya idinitena siya sandali ng mga awtoridad. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV