'Batang hamog' na hinihinalang naka-solvent, patay matapos masagasaan ng bus
Patay ang isang "batang hamog" o palaboy na lalaki sa Quezon city matapos siyang ma-hit and run ang isang pampasaherong bus. Ang drayber ng bus, tumakas kahit hinarangan siya ng iba pang batang lansangan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing ang 13-anyos na biktima ay nakilala lamang sa alyas na Totoy, na kaagad binawian ng buhay.
Tatawid daw ang biktima nang mahagip ng bus ng Noval Transport sa bus bay na nasa kanto ng Edsa at North Avenue sa Quezon City.
Kadalasan daw na pinag-iistambayan ng mga batang hamog ang lugar na ang iba ay gumagamit pa umano ng solvent.
Ang biktimang si Totoy, may nakitang plastic sa kaniyang kamay na hinihinalang may lamang solvent.
Ayon sa isa pang batang kalye, nakita raw ng biktima ang paparating na bus kaya gumilid ito pero nahagip pa rin ng sasakyan.
Sa isang cellphone video, makikita na tinangka ng ibang batang hamog na harangin ang bus pero tumakas pa rin.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing sumuko na sa pulisya ang drayber ng bus.
Ayon sa pulisya, hindi ito ang kauna unahang pagkakataon na may nasagasaang batang hamog sa lugar. Kadalasan daw na naka-solvent ang mga batang nakatambay sa lugar.
Nakunan pa ng camera ng GMA News ang ilang kabataan sa lugar habang sumisinghot ng solvent. -- FRJ, GMA News