ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Grace Poe, iginiit na kuwalipikado siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipinagtanggol ni Senadora Grace Poe nitong Miyerkules ang sarili laban sa alegasyon ng isang kongresistang kaalyado ni Vice President Jejomar Binay na hindi siya maaaring tumakbo sa pagka-pangulo o bise presidente sa 2016 elections dahil hindi sapat ang tagal ng panahon ng paninirahan niya sa Pilipinas, alinsunod sa itinatakda sa Saligang Batas.

“Hindi totoo na ako ay hindi kuwalipikado, kuwalipikado po ako pero hindi pa ako kandidato at hanggang ngayon, (kung) ang iba nga may commercial na, ako naman po ay nag-iisip at nagninilay-nilay pa,” paliwanag ni Poe sa panayam ng mga mamamahayag.
 
Giit pa ng senadora, higit sa sampung taon na siyang naninirahan sa Pilipinas, na kabilang sa mga rekisitos na itinatakda sa Saligang Batas para sa mga tatakbo sa posisyon bilang pangulo at pangalawang pangulo.
 
“I was here 2005 pa lang. Iyong mga anak ko naka-enrol na sa paaralan, ready po ang transcripts diyan, ready din po ang titulo ng aming mga kinuhang lugar para matirhan dito,” pahayag niya.
 
“Nilagay ko po yun (six months and six days sa certificate of candidacy) dahil nung 2006 lang nabenta ang bahay namin sa Amerika, April 2006 which can be proven. So sabi ko at that time baka naman 'yon ang ibig nilang sabihin,” paliwanag niya.
 
Ginawa ni Poe ang pahayag matapos akusahan ni Navotas Rep. Toby Tiangco, interim presidente ng United Nationalist Alliance (UNA), na kulang ng anim na buwan ang residency ni Poe para maging kuwalipikadong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016.

Ibinatay ni Tiangco ang kaniyang posisyon sa isinumiteng certificate of candidacy ni Poe nang tumakbo itong senador noong 2013.
 
Pero paliwanag ni Poe, “Bakit nakalagay na six months and six years, inilagay ko po doon sa COC na resident of the Philippines before May 2013, hindi po sinasabi by May 2013 or on May 2013."

"Alam mo ang experience ko sa Comelec dapat nag-iingat kang mabuti kaya ang ginawa ko, it was my actual residence on the day of filing which was in October 2012,” dagdag niya.
 
Ayon kay Poe, naging maingat lang siya ngunit sapat ang tagal ng panahon ng paninirahan niya sa Pilipinas sakaling magdesisyon siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa darating na halalaan.
 
“Hindi ako abogado pero ako po’y tapat at truthful at kung bibilangin mo talaga yung oras na nandito ako sa Pilipinas, lagpas pa nga po sa requirement,” ani Poe.
 
“Kaya para po sabihin nila na kulang, marami po kaming mapapatunay na sobra pa nga, at marami pong magpapatunay diyan,” patuloy niya.

Sinabi ni Poe na bumalik siya sa bansa mula sa Amerika matapos pumanaw ang kaniyang ama na si dating action star Fernando Poe Jr., noong December 2004.

Inamin din ni Poe na nainsulto siya sa alegasyon na hindi siya naging tapat sa usapin ng kaniyang paninirahan sa bansa.
 
“Taglay ko po ang katotohanan, hindi po ako nagtatago sa inyo. Kaya nga po hindi ko kinakailangan magtago sa likod ng isang tagapagsalita,” aniya.
 
Kung dati ay 50/50 umano ang desisyon niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016, sinabi ni Poe na ang mga ganitong kontrobersiyal ay posibleng magtulak sa kaniya na magdesisyon ng hanggang 100 percent.

“Aaminin ko na ngayon na nangyayari lahat ito, mas napapadalas ang isip  dito at pagpaplano. Basta po kung lalabas ako, sabi nga nila, ilang percent na ba ang iyong desisyon? Sa tingin ko mga 50 percent at mas lalo pa nilang tinutulak na mapalapit sa 100 percent,” paglalahad niya.
 
Naawa umano ang senadora sa mga taong kumukuwestiyon sa kaniyang kuwalipikasyon na tumakbo, na hindi raw naiiba sa ginawa sa kaniyang ama na si FPJ nang tumakbo itong pangulo pero natalo noong 2004.
 
“Parang ganun na rin ang ginawa nung mga nawawalan na ng pag-asa nung tumatakbo na si FPJ…Napakasakit, ilang taon dito si FPJ, nagbigay ng trabaho sa maraming Pilipino. Tumulong, nagmahal sa kaniyang kapwa. Sasabihin nila hindi Pilipino,” aniya.
 
Hindi rin itinago ni Poe na nasaktan siya dahil ang alegasyon laban sa kaniyang ay galing sa mga dating kaalyado ng kaniyang ama.
 
“Mabuti na rin dumating 'yan mas mabuti pang pareho ang ibinabato sa amin ng aking tatay— lack of experience rather, hindi Filipino daw, at kulang sa track record. 'Yan po lahat ang binato nila kay FPJ. Kanino nanggagaling 'yan? Di ba sa kanila din? Mga dating sumuporta kay FPJ? So kung masakit sa kanila na hindi ako sumama sa kanila, mas masakit din sa akin na sinasabi nila iyon, samantalang ang pinagkikilos nila ay taliwas sa kanilang mga sinasabi,” pahayag ni Poe nang walang binanggit na pangalan.
 
Naglabas din ng hinanakit si Poe sa ginawang paglaglag sa kaniya ng UNA bilang guest senatorial candidate noong 2013 elections.
 
“Hindi na nga kami nagsalita noon pero napakasakit noon para sa akin sapagkat bagong kandidato lang ako noon, kulang ang aking suporta, at  yung mismong kaibigan ng tatay ko na inaasahan ko sana na maiintinidhan ang aking hakbang na ako’y nasa administrasyon sapagkat sa MTRCB ako, ay ang mga una pang nagtakwil sa amin,” patungkol ni Poe sa dati  niyang posisyon bilang pinuno ng Movie, Television, Review and Classification Board. —FRJ, GMA News