Dalagita, nakitang patay at walang saplot sa isang ilog sa Laguna
Walang saplot at nagsisimula nang maagnas nang matagpuan ang bangkay ng isang 15-anyos na babae sa isang ilog sa barangay Macatad sa bayan ng Siniloan sa Laguna.
Ayon sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing Lunes nang mawala ang biktima na residente rin sa lugar.
Miyerkules naman ng hapon nang pumunta raw malapit sa ilog ang pinsan ng biktima para kumuha ng dahon nang makita niya na may palutang-lutang na bangkay sa tubig.
Kaagad niya itong ipinaalam sa mga awtoridad at doon na nakilala ang biktima.
Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima para alamin ang sanhi ng pagkamatay nito at kung biktima ito ng pang-aabuso.
Samantala, inilabas na ng pulisya ang litrato ng suspek sa pagsunog sa bahay at pagpatay sa isang mag-ina sa nasabi ring barangay sa Siniloan na naganap noong Lunes.
Nakalubog sa tubig at nakatali sa mga ugat ng puno ang mga bangkay ng mag-inang biktima nang matagpuan.
Kinilala ang suspek na si Carlo Manalansa, 34-anyos, na pinsan umano ng nakatatandang biktima.
Si Manalansa ay positibo raw na itinuro ng ilang testigo na sinasabing nasa lugar nang nasusunog ang bahay ng mag-ina.
Nakita raw ng mga saksi ang suspek na umahon mula sa ilog kung saan natagpuan ang mga biktima.
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa mga biktima para matukoy kung ginahasa ang mga ito.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang suspek. -- FRJ, GMA News